SINAKSIHAN mismo ni Senador Christopher ‘Bong’ Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, ang paglulunsad ng ika-90 Malasakit Center sa bansa nitong Biyernes, sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium, Caloocan City.
Ito na ang ika-17 Malasakit Center sa Metro Manila at ika-46 naman sa Luzon.
“Itong Malasakit Center po ay para sa lahat ng Pilipino. Walang pinipili ito, walang pulitika ito. Para po ito sa lahat lalo na ang poor and indigent patients. Handa pong tumulong ang Malasakit Center sa kanilang medical at financial needs,” ayon kay Go.
Ang Malasakit Center ay isang one-stop shop kung saan matatagpuan ang mga ahensiya ng pamahalaan na may mga programang nagbibigay ng financial at medical assistance sa mga pasyenteng Pinoy, partikular na sa mga mahihirap at nangangailangan, kabilang na ang Department of Health, Department of Social Welfare and Development, Philippine Health Insurance Corporation at Philippine Charity Sweepstakes Office.
Sa pamamagitan ng Republic Act No. 11463, o mas kilala sa tawag na Malasakit Centers Act of 2019, lahat ng pagamutan sa bansa na pinatatakbo ng DOH ay may mandatong magtayo ng sarili nilang Malasakit Centers, kasama ang Philippine General Hospital. Bilang karagdagan, ang mga pagamutan na pinatatakbo ng mga local government units at iba pang pampublikong pagamutan ay maaaring magtayo ng sarili nilang Malasakit Centers, ngunit kailangang maabot nito ang mga itinatakdang criteria para dito.
“Pera ninyo po ‘yan, bakit pa kayo papahirapan pa? Ang pera ng gobyerno ay pera ng Pilipino po. Kaya sabi ko, baka pwede natin (ilagay) sa isang kwarto nalang,” anang senador. “At inumpisahan namin ito sa Cebu, sa Vicente Sotto Memorial Medical Center. Nasa iisang kwarto na po ang apat na ahensya ng gobyerno. At noong naging Senador po ako, ayun po ang inuna ko na maging batas, itong Malasakit Centers Act.” dagdag pa nito.
Sa ilalim ng mahigpit na pagsunod sa mga kinakailangang health at safety protocols, nagbigay din ng tulong si Go sa 44 na pasyente na COVID-19 na na-admit sa ospital. Bibigyan din sila ng tulong ng DSWD sa ilalim ng kanilang programa na nagbibigay ng tulong sa mga indibidwal sa mga sitwasyong may krisis.
Samantala, dahil sa limitado pa rin ang transportasyon dahil sa pandemic at pangangailangang mag-commute sa pagpasok sa trabaho, namahagi rin ang senador ng mga bisikleta sa ilang piling medical frontliners na nagtatrabaho para sa naturang ospital.
“Maraming salamat po sa inyong sakripisyo. Dahil kayo naman po ang nakakaalam sa gyerang ito, kayo ang inaasahan namin sa panahong ito. Kaya sakripisyo po muna tayo, gaya ng gyera sa Marawi na sundalo naman po, eto ang gyera naman natin laban sa COVID-19. Kayo naman po ang inaasahan kaya maraming salamat po sa inyong lahat,” ani Go, na bilang vice chairperson ng Senate Committee on Finance, ay matatandaang siyang nagsulong at lumaban para sa salary upgrade ng mga public nurses sa Nurse I at II positions.
“Kung ano po ang pwede naming maitulong sa inyo, ‘wag po kayong mag-atubiling lumapit sa akin dahil trabaho naman namin ni Pangulong Duterte na maglingkod sa inyo. Kung ano ang pwede kong itulong bilang Chair ng Committee on Health po sa Senado, kung ano po ang pwede namin itulong sa inyo sa ospital para po sa kapakanan po ng mga nurses at frontliners, nandidito po kami,” pagtiyak pa niya. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.