MAY P1.3 billion ng budget ang ibinalik sa Department of Budget and Management (DBM) para pondohan ang paglaban ng bansa sa COVID-19, tiniyak ng Philippine Sports Commission (PSC) sa mga miyembro ng national team ang buong suporta nito para sa kanilang kampanya sa 2021 Tokyo Olympics.
Sa bisa ng Republic Act 11469 o ang Bayanihan to Heal as One Act, nasa P596 million at P773 million ang ni-realign ng DBM mula sa National Sports Development Fund at pondo mula sa General Appropriations Act (GAA) ng sports agency, ayon sa pagkakasunod.
Bago ang lockdown, ang Filipinas ay mayroon nang apat na qualifiers para sa 32nd quadrennial meet — national pole vaulter Ernest John Obiena, male artistic gymnast Carlos Edriel Yulo, at national boxers Eumir Felix Marcial at Irish Magno.
Tiniyak ng PSC board na susuportahan ng ahensiya ang mga ito hanggang kaya nila at ipinaliwanag na ang investment kapwa ng gobyerno at ng mga atleta sa kanilang Olympic dream ay hindi ganoon kadaling isantabi.
Sa katunayan, umaasa si PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez na makapagpadala ng mas maraming atleta para katawanin ang bansa sa prestihiyosong multi-sport event.
“We will not waiver in our quest to fulfill the country’s Olympic dream and we are very hopeful that more athletes will be able to qualify once the situation gets better,” wika ni Ramirez.
Umaasa ang PSC kina 2016 Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz ng weightlifting, four-time SEA Games champion Kiyomi Watanabe ng judo, 2019 SEAG double-gold medal winner Margielyn Didal ng skateboarding, multi-titled jin Pauline Lopez ng taekwondo, at Junna Tsukii ng karatedo.
Dahil sa budget cut ay napilitan ang PSC na maghigpit ng sinturon sa mga nakalipas na linggo upang matugunan ang lahat ng commitments nito.
“It’s a tough situation but we understand the priorities of the national government. We will do what we can to continue the support we give to our athletes especially those vying for an Olympic slot,” dagdag ni Ramirez.
Bukod sa financial support, ang PSC ay patuloy ring nagkakaloob ng online sports psychology consultations, virtual training sessions, nutrition, physiology, at conditioning webinars sa mga atleta at coach sa pamamagitan ng Medical Scientific Athletic Services (MSAS) ng PSC at ng Philippine Sports Institute (PSI).
Comments are closed.