“KUMUSTAHAN lang dahil na-miss namin kayo.”
Ito ang inihayag ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William Ramirez makaraang alamin ang kalagayan nina Tokyo Olympic-bound athletes Carlos Yulo, EJ Obiena, Eumir Marcial at Irish Magno sa isang Zoom call kamakalawa ng gabi.
Tulad ng isang ama na nag-aalala sa kanyang mga anak, hinost ni Ramirez ang Zoom call upang alamin ang kasalukuyang kondisyon ng apat na elite athletes, at iginiit ang suporta sa mga ito.
“This is nothing formal. Gusto lang namin kayong makita kasi noong nag-pandemic, we were worried. I’m happy that all of you are alright and well,” pahayag ni Ramirez, na sinamahan nina Commissioners Arnold Agustin, Ramon Fernandez, Celia Kiram at Charles Maxey, DED-FAS Merly Ibay, Acting DED-BCSSS Queenie Evangelista at PSI Nat’l Training Director Marc Velasco, kasama sina Chef de Mission Nonong Araneta at POC Secretary General Atty. Ed Gastanes.
Mula sa Italy, ipinagbigay-alam ni Obiena sa grupo na bumigat siya sa panahon ng pandemya.
“My nutritionist and I are paring down since I started the season a little bit heavy. I will get back in shape,” sabi ng pole vaulter, na nagsasanay sa Formia, Italy.
Binati ni Yulo, na kagagaling lamang sa eskuwelahan sa Tokyo, si Obiena sa makasaysayang pagwawagi ng gold medal sa Ostrava Gold Spike. Ikinuwento niya na bumigat din siya noong lockdown, subalit nakakabawi na ngayon at pinananatili ang kanyang timbang.
Samantala, sinabi naman ni Marcial, na nakatakdang umalis patungong Los Angeles upang simulan ang kanyang professional training, na natutuwa siya na ang kanyang training ay magbibigay sa kanya ng bentahe sa kanyang paghahanda para sa Tokyo Olympics.
Regular namang nagsasanay si Magno, ang unang Pinay na nagkuwalipika sa Games, sa online sa Janiuay, Iloilo.
Muling inihayag ng apat na commissioners ang kanilang suporta sa mga qualifier. Nagpahayag ng paniniwala sina Maxey, Agustin at Kiram sa kakayahan at talento ng apat na qualifiers at hinikayat ang mga ito na ipagpatuloy ang puspusang pagsasanay. Sinabi naman ni Fernandez na ngayon na ang ‘best time’ para magwagi ng Olympic gold, at tiniyak sa mga atleta ang suporta ng Pangulo, ng PSC at ng sambayanan. CLYDE MARIANO
Comments are closed.