SUPORTA SA PH BETS SA ASIAN PARA GAMES HINILING

PARALYMPICS

KASUNOD ng tagumpay ng Team Philippines sa nakalipas na 19th Hangzhou Asian Games, hinimok ni Philippine Paralympic Committee President Mike Barredo ang mga Pilipino na suportahan din ang national para athletes sa kanilang pagsabak sa 4th Asian Para Games na magsisimula sa parehong Chinese port city sa Linggo.

“Our national para athletes have worked just as hard, if not harder, to compete in the Asian Para Games so I pray that our compatriots give them their all-out support as they gave our national athletes,” wika ni Barredo kung saan ang first batch ng Hangzhou-bound campaigners ay umalis kahapon.

Sina Philippine contingent Chef de Mission at dating national swimming standout Ral Rosario at deputies Millette Bonoan at Irene Soriano-Remo ay umalis noong weekend para ihanda ang paglahok ng Nationals, na ang kampanya ay suportado ng Philippine Sports Commission.

“We would like to express our gratitude to the PSC and Chairman Richard Bachmann for the government sports agency’s continued support for our participation in the Asian Para Games,” sabi ni Barredo.

Aniya, kumpiyansa siya sa tsansa ng Filipino bets, na sisikaping malampasan ang medal haul na 10 golds, 8 silvers at 11 bronzes, para sa ika-11 puwesto overall sa third edition na idinaos sa Jakarta, Indonesia noong 2018.

Pinangunahan nina FIDE Master Sander Severino at para swimmer Ernie Gawilan ang matagumpay na kampanya ng bansa sa pagkolekta ng 4 golds at 3 golds, ayon sa pagkakasunod, sa continental showcase na tinatampukan ng pinakamahuhusay na para athletes sa Asia.

“I am guardedly optimistic because our athletes have been training very hard for this opportunity to compete in the Asian Para Games.This is why I told our coaches to relay to all of our athletes to stay positive. All of us should have a positive attitude,” pagbibigay-diin ni Barredo.

Bagama’t tumangging magbigay ng forecasts, sinabi niya na, “my position is always for our athletes to match or do better than our previous performances. that is always the target.”

CLYDE MARIANO