(Suportado ng biz groups) ‘HEAT BREAKS’ SA WORKERS

BUKAS ang ilang grupo ng mga negosyante sa bansa na bigyan ang kanilang mga manggagawa ng ‘special o unscheduled breaks’ sa kanilang trabaho sa panahong nararanasan ang matinding init.

Gayunman, kailangan umanong bigyan ng kalayaan ang mga employer sa pagpapatupad nito.

Ayon kay Sergio Ortiz-Luis, Jr., presidente ng Employers’ Confederation of the Philippines (ECOP), ang panukalang  ‘heat breaks’  ay hindi dapat gawing  compulsory at hindi dapat isabatas.

Reaksiyon ito ni Ortiz-Luis sa panukala ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III na pagkalooban ng ‘heat breaks’ ang mga manggagawa sa mga panahong matindi ang nararanasang init at magpatupad ng  occupational heat safety and health protocols.

Sinabi ni Pimentel na dapat tularan ng Pilipinas ang pamahalaan ng United Arab Emirates na minamandato na dapat payagan ang mga empleyado na magkaroon ng ‘special breaks’ sa oras ng matinding init.

Gayunman, sinabi ni Ortiz-Luis na ang pagpasa ng isa pang labor law na magpapahintulot sa mas maraming breaks ay maaaring lumikha ng pang-aabuso.

“No one is more concerned about employees’ welfare than their employers. If workers begin suffering heat strokes… work will stop and productivity will plummet. Maybe the government can issue guidelines… but each company must be permitted to implement occupational heat safety and health protocols in accordance with the specific conditions in their company,” pahayag niya sa Philippine News Agency.

Aniya, tanging ang mga manggagawa na ang trabaho ay maglalantad sa kanila sa araw “for extended periods of time” ang tunay na ‘vulnerable’ at sila lamang ang dapat pagkalooban ng special ‘heat breaks’.

Ayon naman kay Federation of Philippine Industries (FPI) Chairman Jesus Arranza, suportado nila ang ‘special work breaks’ kapag masyadong mainit ang panahon dahil responsibilidad ng management na pangalagaan ang kanilang mga manggagawa.

Gayunman, dapat aniyang malinaw na maipaliwanag ang mga uri ng trabaho na sasaklawin ng panukalang bagong labor policy.

“There are studies showing a direct correlation between the heat and workers’ productivity. Allowing your employees to rest when it is really hot is a good management decision because employees exhausted from the heat will not be productive. But office employees… those working in air-conditioned rooms or stores should not be considered for this,” dagdag pa niya.

(PNA)