SUPORTADO ng Department of Agriculture (DA) ang panukalang ibalik ang kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na bumili at magbenta ng bigas sa mas murang presyo.
Ginawa ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa ang pahayag makaraang ihayag ni Speaker Martin Romualdez noong Martes na magpapasa ang Kamara ng bill na mag-aamyenda sa Rice Tariffication Law (RTL) na magpapahintulot sa NFA na bumili at magbenta ng bigas.
“Kami sa DA, susuportahan namin ‘yan dahil nakita namin ang kakulangan talaga na ang ating pamahalaan ay makaresponde sa mga pagkakataon na masyadong nagmamahal [ang presyo ng bigas],” wika ni De Mesa sa panayam sa Super Radyo dzBB.
Sa datos ng DA, ang presyo ng local regular milled rice ay P50 per kilo, at P48 hanggang P55 per kilo para sa local well-milled rice.
Para sa imported commercial rice, ang regular milled rice ay nagkakahalaga ng P48 hanggang P51 per kilo, habang ang well-milled rice ay P51 hanggang P54.
Sakaling matuloy ang plano ni Romualdez, gayunman, ay umapela si De Mesa na huwag ibenta ng NFA ang bigas sa mababang presto. Kung ang umiiral na presyo ay P50 per kilo, iminungkahi niya na ibenta ito ng NFA sa P40 per kilo.
“‘Wag masyadong mababa ang presyo ng ibebenta kagaya ng P25 [per kilo] kasi masyadong malulugi nang malaki ang NFA. ‘Yan din kasi ang isa sa reasons kung bakit naipasa ang RTL na ini-alis ang kapangyarihan, dahil ang laki ng lugi ng NFA,” aniya.