(Suportado ng DILG) AMYENDA NG PNP RE-ORGANIZATION ACT

SUPORTAdo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ang panukalang inihain sa Senado na naglalayong muling ayusin ang Philippine National Police (PNP).

“Ang panukalang ito ay hahantong sa unang komprehensibong legislative reform ng PNP mula noong 1998,” paliwanag ni Abalos.

Ang Senate Bill 2449 o An Act Providing for the Organizational Reforms in the Philippine National Police, na inakda ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, ay naglalayong amyendahan ang Republic Act (RA) No. 6975 o ang DILG Act of 1990, at RA 8551 o ang PNP Reorganization Act of 1998 para magkaroon ng bagong layunin at kahusayan sa PNP.

Ang panukalang batas ng Senado ay counterpart measure ng House Bill 8327, na inaprubahan ng Kongreso sa ikatlong pagbasa noong Agosto, sa pamumuno ni Speaker Martin Romualdez.

“Panahon na para ipakilala natin ang mga repormang pang-organisasyon sa PNP para bigyang kapangyarihan ang ating kapulisan na epektibong matugunan ang mga kasalukuyang hamon ng pagpapatupad ng batas.

Ang napakaraming mga repormang ibinigay sa panukalang batas na ito ay nakaangkla sa mga pangangailangan ng PNP at ng mga komunidad, at ito ay magpapatibay din sa mga kakayahan ng ating kapulisan upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mamamayang Pilipino,” pahayag ng kalihim.

Ang isang kapansin-pansing tampok ng panukalang batas ay ang institusyonalisasyon ng iba’t ibang tanggapan ng PNP na nilikha nang ad hoc sa nakalipas na 25 taon upang tumugon sa mga umuusbong na alalahanin sa kaligtasan ng publiko, tulad ng Anti-Cybercrime Group at ang Area Police Commands.

Nabatid na sa kanyang sponsorship speech, kinilala ni Dela Rosa, na dating PNP chief, ang pamunuan ng DILG sa kanilang pangako na suportahan ang “long-overdue” legislative measure.”
EVELYN GARCIA