(Suportado ng DOLE) UMENTO SA MINIMUM WAGE SA NCR

Labor Secretary Silvestre Bello III-3

MAAARING hindi na sapat ang minimum wage sa National Capital Region ( NCR) para sa mga manggagawa at kanilang mga pamilya sa gitna ng malaking pagtataas sa presyo ng langis at iba pang basic goods, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III.

Sa isang statement, sinabi ni Bello na inatasan na niya ang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards sa buong bansa na bilisan ang pagrepaso sa minimum wages.

“The current daily minimum wage in the National Capital Region (NCR), for instance, of P537 may no longer cope with the price of basic commodities such as food, electricity and water bills,” sabi ni Bello.

Umaasa si Bello na maisusumite ng RTWPBs ang kanilang rekomendasyon bago matapos ang Abril.

Ayon kay Bello, chairman ng Tripartite Wages and Productivity Board, ang RTWPBs, kasama ang National Economic Development Authority (NEDA), Department of Trade and Industry (DTI), at mga kinatawan mula sa labor at employers groups, ay dapat subaybayan ang wage levels,  i-assess ang economic factors at magbigay ng rekomendasyon para sa umento sa minimum wages sa buong bansa.

“Setting and adjusting the wage level is one of the most challenging parts of minimum wage fixing. Minimum wage cannot be very low as it will have very small effect in protecting workers and their families against poverty,” anang kalihim.

“If set too high, it will have an adverse employment effect.  There should be a balance between two sets of considerations,” dagdag pa niya.