(Suportado ng local industry) PAGBUSISI SA CEMENT IMPORTATION

NAGPAHAYAG ng suporta ang local cement makers sa isasagawang imbestigasyon ng Department of Trade and Industry (DTI) sa pagtaas sa cement importation upang malaman kung may masamang epekto ito sa domestic industry.

Ayon sa Cement Manufacturers Association of the Philippines (CeMAP) at Eagle Cement Corporation, nagsumite na sila ng position papers na sumusuporta sa hakbang ni Acting Trade Secretary Cristina Roque na magsagawa ng preliminary safeguard measures investigation upang matukoy ang epekto ng tumaas na importasyon ng semento sa mga nakalipas na taon sa local cement manufacturing sector.

Sinabi ng CeMAP at Eagle Cement na ang imbestigasyon ay isang “kritikal na hakbang na nagbibigay-diin sa commitment ng pamahalaan na tiyakin ang fair competition at protektahan ang local cement industry mula sa undue harm na sanhi ng sobra-sobrang imports.”

Isinumite ng CeMAP ang kanilang position paper sa DTI noong November 12, at sinundan ito ng Eagle Cement Corporation ng official letter of support.

Nagpalabas si Roque ng isang notice, alinsunod sa Section 6 ng Republic Act 8800, o ang Safeguard Measures Act, na nag-aatas ng preliminary investigation sa importasyon ng semento mula 2019 hanggang 2024.

Ilang salik, kabilang ang pagtaas sa cement imports ng 10% noong 2020, 17% noong 2021, at 5% noong 2023, ang nag-udyok sa imbestigasyon. Ang share ng cement imports ay tumaas din mula 30% noong 2019 sa 47% noong 2023 at 51% noong January-June 2024.

Nasilip din ng DTI ang pagbaba ng benta ng domestic cement industry sa P64 billion noong 2023, mula P79 billion noong 2019.

Samantala, sinabi ng CeMAP at Eagle Cement na base sa datos mula sa Bureau of Customs, ang cement imports ay umabot sa 6.2 million tons mula January hanggang October 2024, tumaas ng 5% year-on-year, kung saan noong Oktubre lamang ay nagtala ito ng record-high 870,000 tons.

“The majority of imports (94%) come from Vietnam, with smaller portions from Japan (5%) and Indonesia (1%),” anila.

Sa kabila umano ng sapat na kapasidad ng local cement industry na 50 million tons taon-taon, na sapat para tugunan ang local demand na tinataya sa 34 million tons, ang pagbaha ng imported na semento ay nagdulot ng malaking pinsala sa domestic manufacturers.

“The implementation of safeguard measures is vital to mitigating these adverse impacts and preserving the competitiveness of local producers,” dagdag pa nila.