(Suportado ng Metro Mayors, MMDA) PAMBANSANG PABAHAY ILULUNSAD SA METRO MANILA

KAISA ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila mayors sa hakbanging ilunsad ang programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kaugnay sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program (4PH).

Sa lingguhang pulong ng Metro Manila Council (MMC) na ginanap sa tanggapan ng MMDA sa Pasig City, tinukoy ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar na mayroong 170,000 units or 55 projects ang ahensya sa ibat-ibang lugar sa Metro Manila ang kasalukuyang nasa ilalim ng konstruksyon.

Ang programang 4PH ay ginawa upang magkaroon ng maayos na tirahan at makasunod sa agos ng kasalukuyang ekonomiya.

Ang sinumang informal settler families (ISF) ay pansamantala munang patitirahin sa loob ng isa hanggang dalawang taon sa isang staging area habang isinasagawa ang konstruksyon at matapos ang itinayong bahay ay ililipat na sila.

Tinukoy ni DILG Secretary Benhur Abalos na mayroong malaking tungkuling gagampanan ang Local Government Units (LGUs) na siyang tutukoy sa mga lupang maaring gamitin ng pamahalaan sa kanilang proyekto.

“The ISF families will not be displaced as we plan in-city relocation,” ani Abalos.

Dahil dito, hiniling ni MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes sa Metro Manila mayors na kanilang tukuyin ang imbentaryo ng kanilang mga ISF at mga lupang bakante na pag-aari ng pamahalaan na maaring pansamantalang tuluyan ng ISFs hanggang sa matapos na maitayo ang pabahay para sa kanila.

“We will create a Technical Working Group that will be closely working together for the submission of LGUs’ inventories of all available and suitable lands for the program,” ani Artes.
Tiniyak naman ni San Juan City Mayor at MMC President Francis Zamora na handang tumulong ang Metro Mayors para sa programa ng pamahalaan.

“The Metro Manila mayors are in full support of the president’s housing program. It is my vision for San Juan to be informal settler families-free, and this project is an opportunity to make it possible and provide the ISFs with decent housing all over Metro Manila,” ani Zamora

Ipinunto pa ni Zamora na maari rin bigyan ng mga LGU ng insentibo ang sinumang may-ari ng lupa o property na pahihintulutang gamitin ang kanilang pag-aari para sa programa ng pamahalaan.
CRISPIN RIZAL