(Suportado ng mga ekonomista) ECONOMIC CHACHA

Ernesto Pernia

NAGKASUNDO ang mga ekonomista ng bansa na napapanahon na ang pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas.

Sa pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments, binigyang-diin ni dating National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Ernesto Pernia na makatutulong sa ekonomiya ngayong may pandemya ang isinusulong na economic chacha.

Iginiit ni Pernia na hindi magiging competitive sa ASEAN at sa global neighbors ang Filipinas kung hindi pa rin bubuksan ang ekonomiya ng bansa.

Babala pa niya, mapapako lamang ang bansa sa 5% hanggang 6% na GDP growth kung hindi luluwagan ang pagnenegosyo at pamumuhunan ng mga dayuhan.

Naniniwala rin si dating NEDA Sec. Gerardo Sicat na ang pag-amyenda sa ekonomiya ay pagpapakita sa ibang nasyon na bukas na ang Filipinas sa pagbabago.

Aniya, ang restrictions sa Saligang Batas ang malaking sagabal kaya hindi maka-usad nang husto ang bansa.

Tinukoy niya ang foreign direct investments na siyang susi sa pagkakaroon ng ‘miracle economies’ ng mga bansa sa Asian region.

Sinegundahan naman ito ng academician, economist at National Scientist at Professor Emeritus din ng UP School of Economics na si Dr. Raul Fabella, na nagsabing kailangang gawing foreign investment friendly ang Filipinas.

Kabilang sa mga tinukoy rito ang pagsasabatas ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE Bill  na tiyak na mas makahihikayat ng foreign direct investment sa bansa.

Sa ilalim ng Resolution of Both Houses No. 2 na sinimulan nang talakayin sa Kamara, ilalagay lamang ang katagang “unless otherwise provided by law” sa mga ‘restrictive’ economic provision ng Konstitusyon.

Sa ganitong paraan, sinabi ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin na mabibigyan ng kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang mga sinasabing restrictions na ito para makapaghikayat ng foreign investments sa oras na kailanganin ito ng ekonomiya ng bansa. CONDE BATAC

Comments are closed.