(Suportado ng World Bank) PAGPAPALAKAS SA AGRI SECTOR NG PINAS

NANGAKO ang World Bank na tutulong sa pagpapalakas sa Philippine agriculture sector at human capital development, ayon kay Finance Secretary Ralph Recto.

Sa isang statement nitong Huwebes, sinabi ng Department of Finance (DOF) na ginawa ng World Bank ang pangako sa isang high-level dialogue sa top officials ng World Bank Group (WBG) sa Washington DC noong Oktubre 22.

Naganap ang pagpupulong sa sidelines ng WB – International Monetary Fund Annual Meetings na idinaos sa Washington DC noong Oktubre 22-25.

Sa naturang pagpupulong na pinangunahan ni Regional Vice President for East Asia and the Pacific Manuela Ferro, nangako ang WBG na patuloy na susuportahan ang mga proyekto na naglalayong mapataas ang productivity at kita ng Filipino farmers.

Nangako rin ang World Bank na tutulungan ang Pilipinas sa pagmodernisa sa agriculture sector nito upang higit itong maging commercially viable at export-oriented.
ikinatuwa ni Recto ang suporta ng World Bank, at sinabing ang pagpapabilis sa pagpapalakas ng agriculture sector ay makatutulong sa pagpapababa pa ng inflation at sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Sa nasabing pagpupulong ay muling pinagtibay ng WBG ang suporta nito para sa human capital development ng bansa, lalo na sa edukasyon.

Kinilala rin ng World Bank ang kumpiyansa ng mga investor sa Pilipinas na nananatiling mataas sa likod ng business-friendly reforms.

Sinabi ni Recto na malaki ang potensiyal ng Pilipinas na mapasama sa global supply chain ng high-value manufacturing, lalo na sa semiconductor industry.

Hinikayat din niya ang World Bank na magkaloob ng karagdagang tulong sa pagpapalakas sa cybersecurity ng bansa, gayundin ng grants at technical assistance para sa project preparation upang mapagbuti ang pagpapatupad ng WBG-funded projects.

Inulit din ni Recto ang kanyang panawagan na magkaloob ang WBG ng karagdagang concessional financing.

Hanggang noong Hunyo, ang International Bank for Reconstruction and Development (IBRD) ng World Bank ang third-largest official development assistance (ODA) partner ng bansa, na may kabuuang ODA na nagkakahalaga ng USD8.84 billion.
Kumakatawan ito sa 18.8 percent ng kabuuang ODA ng Pilipinas.
Si Recto ay sinamahan nina Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.; Finance Undersecretary Domini Velasquez; National Treasurer Sharon Almanza; WBG Alternate Executive Director Erwin Sta. Ana; at OIC Assistant Secretary Donalyn Minimo.
Samantala, ang WBG ay kinatawan nina Vice President for Infrastructure Guangzhe Chen; Vice President for Digital Transformation Sangbu Kim; Vice President for the Planet Vice Presidency Juergen Voegele; East Asia and Pacific Regional Director for Human Development Alberto Rodriguez; Regional Director for Europe and Central Asia Region in Equitable Growth, Finance and Institutions Lalita Moorty; Country Director for the Philippines, Malaysia, and Brunei Zafer Mustafaoğlu; at IFC Country Manager for the Philippines Jean-Marc Arbogast.