(Suportado ni PBBM)DAGDAG-BUWIS SA LUXURY GOODS

MAKATWIRAN ang pagpapataw ng mas mataas na buwis sa luxury o non-essential goods, ayon kay Presidente Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa isang media interview, sinuportahan ni Marcos ang panukala ni Albay Rep. Joey Salceda na taasan ang buwis sa non-essential goods mula sa kasalukuyang 20 percent sa 25 percent at palawakin ang listahan ng luxury items.

“So, palagay ko naman (I think), it’s reasonable that we will tax the consumption side of those consuming luxury items,” pahayag ng Pangulo sa sidelines ng event ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Philippine International Convention Center sa Pasay City.

Sa kasalukuyan, ang Section 150 ng National Internal Revenue Code ay nagpapataw ng 20-percent tax sa presyo ng alahas, pabango at yate.

Sa ilalim ng House Bill (HB) 6993 ni Salceda, ang tax rate sa non-essential goods ay itataas sa 25 percent.

Ipinapanukala rin sa HB 6993 ang 25-percent tax sa wristwatches, bags, wallets at belts na nagkakahalaga ng mahigit sa P50,000; pagbebenta ng real property na nagkakahalaga ng mahigit P100,000 per square meter; beverages na nagkakahalaga ng P20,000 per bottle; antiques na nagkakahalaga ng mahigit P100,000; paintings na nagkakahalaga ng mahigit P1 million; at brand new o secondhand automobiles na nagkakahalaga ng mahigit P10 million.

Sa pagpapahayag ng suporta sa panukalang batas, binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangan na palawakin ang coverage ng tax imposition sa mas maraming luxury items.

“I think right now the tax on luxury goods only covers very specific items and luxury goods as those who have put in some study on this know hindi nagbabago ang demand dyan kahit anong sitwasyon (that the demand never changes, whatever the situation may be),” aniya.

“For the rest of us who are not necessarily consumers of luxury goods ay randam natin kapag bumagsak ang ekonomiya. Ngunit kung titignan ninyo, ‘yung luxury items, mga magagarang kotse, mga designer na damit at saka mga bag lahat, hindi nagbabago ang presyo niyan dahil may kaya ang mga bumibili,” dagdag pa ni Marcos.

PNA