SINUPORTAHAN ni AGRI party-list Rep. Wilbert T. Lee ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na isusulong ng kanyang administrasyon ang pagkakaroon ng permanenteng Kadiwa stores sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pagbibigay-diin ni Lee, una na niyang inihain sa Kamara ang panukalang batas na naglalayong magtayo ang pamahalaan ng Kadiwa store sa bawat lungsod at munisipalidad upang matulungan ang mga magsasaka, mangingisda at mamimili.
“Suportado natin ang planong gawing permanente ang Kadiwa. In fact, we have been calling for the institutionalization of the program and filed a bill towards this end because it presents a win-win scenario for all concerned. Winner ang magsasaka, winner ang mamimili, Winner Tayo Lahat,” pahayag ng AGRI party-list lawmaker.
Sa panayam kay Pangulong Marcos kamakailan, sinabi nitong magkakaroon ng pagbabago sa implementasyon ng Kadiwa program kung saan hindi na ito magiging ‘pop-up centers’, at sa halip ay magpapagawa ng mga permanentng Kadiwa center sa iba’t ibang local government units (LGUs).
Bunsod nito, umapela si Lee sa House leadership na bigyang prayoridad ang pag-apruba sa inihain niyang House Bill No. 3957 o ang “Kadiwa Agri-Food Terminal” bill kung saan magiging regular na programa ng gobyerno ang Kadiwa at ito ay bubuhusan ng P25 billion bilang paunang pondo.
Giit ng kongresista mula sa Sorsogon, sa pamamagitan ng Kadiwa program, direkta nang maibebenta ng mga magsasaka, mangingisda, poultry at hog raisers ang kanilang produkto sa halip na dumaan pa sa middlemen, na silang nagpapataas sa presyo nito sa mga pamilihan.
“Makatutulong ito para maging mas stable at mura na ang presyo ng pagkain dahil may direct access na sa pagitan ng mga producer at mamimili,” sabi pa ni Lee kung saan iginiit niya na ang Kadiwa program ay solusyon din sa food crisis.
ROMER R. BUTUYAN