SUPORTAHAN ANG BICOL IRRIGATION PROJECTS

ANTIGONG problema na ng ating bansa ang kakulangan sa irigasyon.

Kaya kada taon ay sinasabing bilyones ang nasasayang sa sektor ng agrikultura.

Walang ibang pinakaapektado rito kundi ang mga mahihirap na magsasaka.

Kumbaga, napag-iiwanan na sila.

Maliban na lamang sa mga mayayaman sa probinsya, ang naghihikahos na Pinoy farmers ay tila hindi nabibigyan ng tamang atensiyon.

Nariyan ang katotohanang wala silang maayos na patubig.

Hindi rin daw sapat ang ibinibigay na binhi sa kanila, at maging ang mga fertilizer o pataba.

Dahil wala nang magandang ani, nawawalan na raw tuloy sila ng ganang magbungkal ng lupa.

Sa tingin tuloy nila, pinababayaan sila ng gobyerno.

Paano, sa halip daw na tutukan ang mga problemang kinakaharap nila ay mas binibigyang pansin pa ang pag-i-import ng bigas at iba pang mga produktong pang-agrikultura.

Napupunta tuloy sa palad ng mga dayuhan ang perang puwede sanang mapasakamay ng mga magsasakang Pinoy.

Ngunit nakatutuwa na may mga programa namang ginagawa ang National Irrigation Administration (NIA) para sa ating mga magsasaka.

Katunayan, tinatayang 1,799 farmers ang inaasahang makikinabang sa irrigation projects ng NIA sa Albay at Camarines Sur sa Bicol Region.

Kung hindi ako nagkakamali, ang mga proyektong ito na nagkakahalaga ng P74,144,127.46 ay kinabibilangan ng P37.893-million South Quinale River Irrigation System (South Quinale RIS) Rubber Dam sa Barangay Busac, Oas, Albay; P874,741.48 IA Model Farm Drip Irrigation Project sa Barangay Napo, Polangui, Albay, at P35.377-million Agos Rubber Dam sa Barangay Agos, Bato, Camarines Sur.

Napasinayaan na pala at nai-turn over ang proyekto noon pang November 16, 2021.

Magbebenepisyo raw sa South Quinale RIS ang 753-hectares ng agricultural land sa Barangays Busac, Saban, Manga, at Gumabao sa Oas at Barangays Linao, Bacolod, San Isidro at San Vicente sa Libon, Albay na tahanan ng 904 magsasaka, kasama ang kani-kanilang mga pamilya.

Makatutulong naman ang 1,000-square meter IA Model Farm sa 775 Bicolano farmers ng Barangays Balinad, Napo, Ponso, Mendez, at Alnay ng Polangui at Barangays Balogo at Sitio Maguiron, San Ramon ng Oas.

Totoong matinding hamon sa mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno, tulad ng NIA at Department of Agriculture (DA), ang pagpapaunlad sa agrikultura.

Magagawa lamang ito sa pakikisalamuha nila sa mga magsasaka mismo.

Mahalagang malaman nila kung ano ang mga problema ng magsasaka at ang kalagayan nila sa kabukiran.

Malabong mapaunlad ang sakahan kung hindi magtutungo sa mga sakahan o bukid ang mga namumuno.

Dapat nararamdaman sila.

Kailangang madama ng mga nakaupong opisyal ang totoong nangyayari sa kabukiran.

Sa kabilang banda, nawa’y magpatuloy rin ang mababang presyo ng bigas sa kasalukuyan.

Sa totoo lang, talagang walang masulingan ang mga kakarampot ang suweldo dahil hindi makasapat ang kanilang kinikita kapag biglang tumataas ang presyo ng bigas.

Pagpapaunlad lang ang agrikultura ang sagot sa lahat ng problema ng mga magsasaka.

Pasaganain ang ani ng Pinoy farmers para hindi na tayo mag-angkat sa labas ng bansa.

Tandaan na kung sagana sa bigas ang bansa, hindi na matutuliro ang mga consumer kung saan bibili.

Kung ubod ng dami ang ating bigas, hindi na natin kailangang umangkat pa sa China, Thailand, at Vietnam.

Mahalagang tutukan pa at iprayoridad ang irigasyon na kailangan ng magsasaka sa pagtatanim sa mga probinsya.