SUPORTAHAN ANG CIVIL CONSCRIPTION LAW

alex santos

SA tuwing tumatama ang kalamidad, masa­sabing kulang pa rin talaga sa kahandaan ang pamahalaan.

Kahit na ipinagmamalaki ng ilang lokal na gobyerno na handang-handa sila, walang katiyakan sapagkat mayroon pa ring casualties.

Laging dinadalaw ang Filipinas ng mga bagyo, tidal waves, pagputok ng bulkan, paglindol at pagguho ng lupa.

Katunayan, tinata­yang 20 bagyo ang pumapasok sa bansa kada taon at nag-iiwan pa ng matinding pinsala.

Hindi tayo ligtas sa mga daluyong, malalakas na paglindol at iba pang kalamidad na gawa ng kalikasan.

Unang nagkaroon ng matinding pagyanig noong 1990 kung saan marami ang namatay.

May ilan ding malalakas na lindol ang tumama sa mga nakalipas na taon sa iba’t ibang panig ng bansa.

Noong Oktubre 29, niyanig ng magnitude 6.6 na lindol ang kapuluan ng Mindanao.

Ang pinakamatinding tinamaan ay ang Tulunan, Cotabato at nasundan naman ito ng magnitude 6.5 noong Oktubre 31 sa nabanggit pa ring bayan.

Naramdaman ang pagyugyog na iyon ma­ging sa iba’t ibang panig ng Kamindanaoan habang daan-daang mahihinang aftershocks ang naitala mata-pos iyon.

Hanggang ngayon, hindi pa rin lubusang nakababangon ang mga taga-Mindanao.

Kaya napapanahon ang tatlong mahahalagang mga panukala sa Kongreso na makatutulong daw para mabawasan ang epekto at pinsalang dulot ng ka­lamidad.

Ayon kay Sen. Francis ‘Tol’ Tolentino, dapat gawing prayoridad ang pagpasa sa tatlong panukala tulad ng pagbubuo ng Department of Disaster Re-silience, pagrebisa sa National Building Code, at Civil Conscription Law.

Tama si Tolentino na panahon na rin para reb­yuhin ang building code dahil 40 taon na ito.

Hindi na nga naman ito akma sa requirements na kinakailangan sa pagtatayo ng mga matataas na gusali sa kasalukuyan.

Napakaganda rin ng Civil Conscription Law ni Tolentino na naglalayong i-require ang ilang professionals na maging aktibo sa panahon ng ka­lamidad para makatulong sa emergency situations.

Masasabing maayos naman ang ibinibigay na tulong sa mga biktima ng serye ng lindol sa Min­danao.

Gayunman, kapansin-pansin ang kakula­ngan sa disaster response at recovery plan.

Hindi nga naman natatapos sa paghahatid ng tulong o relief operations ang lahat dahil kailangan alalayan ang mga biktima hanggang sa tuluyan si-lang makababangon mula sa kalamidad.

Sa bawat takbo ng panahon, maraming unos, bagyo at kalamidad ang ating nararanasan.

Maaaring dahil na rin ito sa maling pamamaraan na gawa ng tao sa pangangangalaga sa ating kalikasan at nagkulang sila sa pagpapahalaga rito.

Tandaan na nagbabago rin ang klima ng mundo dahil sa pagsira ng tao sa kalikasan.

Nakapagtatakang kahit sa panahon ng tag-init ay may mga pagbahang nangyayari at pagguho ng lupa.

May mga lindol at bagyong nagaganap na sumisira ng mga ari-arian at pumapaslang ng maraming tao.

Minsan, nasisira ang kalikasan dahil sa kasakiman din mismo ng tao. Dito sa Filipinas, may mga umiiral na batas pero hindi maipatupad.

Huwag nating kalimutan na tayo ay maaaring sanhi rin ng kalamidad kaya kailangan nating kumilos para makaiwas sa kapahamakan.

Alagaan at panatilihin natin ang kagandahan ng ating kalikasan na hiram lamang natin sa Maykapal. Obligasyon natin ito.

Gawin natin ito para sa mga susunod na lahi na maaaring mawalan ng mundong matitirhan dahil sa ating kapabayaan.

o0o

Si Alex Santos ay broadcaster sa mga programa ng DWIZ 882 tulad ng Ratsada Balita tuwing alas-6 ng umaga; IZ Ba­lita Nationwide Pang-uma­gang edisyon (7am-8am). Mapapanood ni’yo rin ako sa PTV NEWS araw-araw dakong alas-6 ng gabi. Ipa­dala ang inyong komento at reaksiyon sa lupaxsantos1@yahoo.com o puwede niyo akong i-follow sa twitter account @iamalexsantos

 

Comments are closed.