SUPORTAHAN ANG CONTAINER MONITORING POLICY

HINDI na bago sa ating pandinig ang talamak daw na smuggling activities sa Pilipinas.

Tila nagiging kanser na ito sa hanay ng Bureau of Customs (BOC).

Lahat na yata ng mga produkto ay ini-smuggle na.

Namumutiktik nga raw sa atin ang technical smuggling at misdeclarations.

Halimbawa, ‘yung gulay ay idinedeklarang piyesa ng bisikleta at iba pa.

Kumbaga, pangkaraniwan na raw iyan.

Noong mga nakaraang buwan, bago ang halalan ay sumabog naman ang isyu ng agri smuggling.

Deka-dekada na ang mga ganitong problema kung saan pati raw ipinagbabawal na droga ay ipinupuslit na rin.

Ngunit naglabas ng Administrative Order o AO No. 04-2021 si Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Daniel Santiago noon pang September 2021 na maaaring makatulong upang mapigilan o maibsan ang ismagling sa bansa.

Nakasaad sa direktiba ni Santiago ang kontrobersiyal na container monitoring policy na iniisip ng ilang grupo na makasasama raw sa kanila.

Kung hindi ako nagkakamali, kabilang sa mga kumokontra rito ay ang Confederation of Truckers Association of the Philippines ni Mary Zapata; Inland Haulers and Trucking Association (INHTA) ni Teodorico Gervacio; Haulers and Truckers Association in the Watersouth Inc. ni Don Manebo, Professional Customs Brokers Association of the Philippines Inc. ni Reynaldo Soliman, at iba pa.

Ayon naman kay Eugenio Ynion, Presidente/Chief Executive Officer (CEO) ng Cebu City-based Nextix, Inc./Shiptek Solutions Corp. joint venture (JV), ang AO ay nagtatakda ng mga polisiya sa pagpaparehistro at pagmo-monitor ng mga container sa pamamagitan ng isang technology solution.

Aabot sa P877.600 milyong halaga ng kontrata ang naigawad sa kompanya para sa Trusted Operator Program-Container Registry Monitoring System (TOP-CRMS) at empty container storage shared service facility design specifications & implementation project.

Sa kabila ng pagtutol ng ilang grupo, ang contract agreement ay nilagdaan na ni Santiago at ng kompanya noon pang Mayo 2.

Para sa ilang shipping companies, truckers, exporters, at customs brokers, hindi na saklaw ng PPA ang movement o galaw ng mga container na dumadaan sa mga pandaigdigang pantalan na sinasabing nasa hurisdiksiyon nito gaya na lamang ng Cebu Ports Authority, Cagayan Economic Zone, at Poro Point Management Corp.

May hiwalay rin na monitoring policy ang BOC nang maglabas ito ng Customs Administrative Order No. 08-2019 noon pang Agosto 2019.

Kung itutuloy ng pagpapatupad ng AO, aba’y magkakaroon raw ng redundancy at duplikasyon sa tungkulin ang dalawang sangay ng gobyerno.

Batay sa AO, oligado ang industriya na iparehistro at i-monitor ang mga container van na pumapasok at umaalis sa mga pantalang saklaw ng kawanihan.

Kumbaga, gagawin nang high-tech ang scheduling, loading, unloading, release, at movement ng mga container sa bansa kaya malalaman na raw kung kanino, sinong driver, at kung saan ang ruta ng mga ito.

Ibig sabihin, malinaw na magkakaroon ng container identification, accountability, at protection program sang-ayon na rin international standards.

Hindi naman daw labag sa Ease of Doing Business Act ang polisiyang ito dahil ang layunin nito ay magkaroon ng transformation mula sa manual patungong automation na maihahambing sa ating automated election na mas efficient kumpara sa manu-mano.

Bukod dito, ayon kay Ynion, hindi rin maaapektuhan ng AO ang National Competition Policy lalo pa’t magkakaroon pa raw ng maraming transactions ang mga trucker at online na ito.

Sabi ni Ynion, malabo rin ang sinasabing inefficiencies dahil pabor pa nga raw ito sa mga negosyo, kasama na ang micro, small and medium enterprises (MSMEs).

Sa pamamagitan, aniya, ng gagamiting sistema ay maaalis ang P15,000-P30,000 per container deposits at mapabibilis ang usad ng mga container sa mga pantalan.

Kaya kung magbubukas naman pala ang monitoring policy na ito ng transparency at accountability sa industriya, aba’y hindi ito dapat katakutan at dapat itong suportahan.

Magdudulot pa ito ng progreso sa maraming sektor at sa palagay ko, ang dapat kabahan dito ay ang mga ayaw ng pagbabago at ang mga posibleg tatamaan dito.