SUPORTAHAN ANG MGA ANAK SA MGA GUSTO NILA SA BUHAY

ANAK-2

(ni CS SALUD)

MAY kanya-kanya nga namang hilig o gusto ang mga bata. May mga pangarap silang gusto nilang maabot. Ngunit may mga magulang na pinangungunahan ang anak sa gusto nito. Dinidiktahan kung ano ang dapat at hindi dapat gawin.

Sa totoo lang, hindi nga naman nawawala ang pagkakaroon ng magulang na nanghihimasok sa gusto at nais ng mga anak. May mga kakilala rin ako na itinatago sa kani-kanilang magulang ang gusto o ginagawa nila sa takot na pagalitan o patigilin, gaya na nga lang ng pagsusulat at pagbabasa. Ang iba, gumagamit ng pen name sa pagsusulat dahil nahihiya raw siyang malaman ng mga kakilala, kaibigan at magulang ang ginagawa niyang pagsusulat.

Hindi ko lubos maisip ang ganitong senar­yo. Hindi ko maintindihan kung bakit tila may mga taong hindi pinahahalagahan ang hilig ng isang tao, gaya na nga lang ng pagbabasa at pagsusulat. Sa katunayan, napakaimportante ng pagbabasa at pagsusulat—sa bata man o matanda. Napakaraming benepisyong dulot nito.

Kumbaga, nakada­ragdag ng kaalaman ang pagbabasa. Habang nakikipagkaibigan ka nga naman sa mga salita, nadaragdagan ang iyong bokabularyo at nalalaman mo rin ang kahulugan ng bawat kataga.

Sa pagsusulat naman, nahahasa ang iyong kaalamang mag-isip at bumuo ng taludtod, talinghaga o imahen. O maging simpleng pangungusap.

Ilan lamang ang mga nabanggit sa benepisyo ng pagsusulat at pagbabasa. Kaya naman, dapat ngayon pa lang o habang bata pa lang ay tinuturuan na natin ang ating mga anak na kahiligan ang mga nabanggit.

Ngunit hindi lahat ng magulang ay pinapayagan o ikinatutuwa kung nakikita nilang nagbabasa at nagsusulat ang kanilang mga anak. May ilan kasing “katamaran” ang turing sa ganitong hilig.

Nakalulungkot mang isipin ngunit dapat din ay mabuksan ang isipan ng bawat magulang na sa pagpapalawak ng kaalaman ng isang bata ay napakahalagang nakapagbabasa sila at nakapagsusulat ng kuwento man iyan, sanaysay o tula.

Sa mga magulang riyan, tandaan na ang pinakamainam gawin upang maging masaya at matupad ng ating mga anak ang kanilang pangarap ay sa pamamagitan ng pagsuporta natin sa kanila. Ibigay natin ang suportang hinahangand nila. Ibigay natin ang buong pagmamahal at suporta natin sa kinahihiligan nilang gawin.

At para masuportahan natin sila sa mga hilig o gusto nila, narito ang ilang simpleng tips na maaari nating isa­alang-alang:

KAUSAPIN ANG MGA ANAK SA GUSTO O HILIG NITO

May ilang magulang na kung ano ang gusto nila, iyon ang ipinipilit sa kanilang mga anak. Halimbawa na rito ay ang pagpili ng kursong kukunin sa kolehiyo. O kaya naman, ang panghihimasok sa buhay pag-ibig ng anak lalo na’t nasa hustong gulang na ito.

Hayaan natin ang mga bata o ang mga anak sa kung ano ang sa tingin nila ay makabubuti sa kanila at makapagdudulot sa kanila ng kaligayahan.

Oo, walang hangad ang bawat magulang kundi ang mapabuti ang kani-kanilang anak. Ngunit isipin din natin at tanungin din natin ang ating mga sarili kung sa ginagawa ba natin ay liligaya o sasaya siya? Baka naman imbes na ikatuwa niya ang ginagawa natin ay maging dahilan pa ito upang sumama ang loob nila sa atin at mawalan sila ng pagkakataong taluntunin ang daang ibinibulong ng kanilang puso.

TULUNGAN SILANG MAPALAWAK PA ANG KANILANG KAALAMAN

Mahalaga rin ang pagtulong sa mga anak upang mapalawak at mapalawig pa ang kanilang kaalaman at kakayahan. Bukod sa suporta sa ginagawa nila, mahalaga rin kung nag-iisip tayo ng mga hakbang o paraan. Halimbawa na lang ay mahilig silang magbasa, bilang magulang, puwede natin silang regaluhan ng mga librong sa tingin natin ay makatutulong sa kanilang hilig.

Kung mahilig naman silang sumayaw o tumugtog, maaari natin silang pasalihin o i-enroll sa mga klase na makatutulong upang gumaling pa sila sa kanilang ginagawa.

MAGING INTERESADO SA GINAGAWA NG ANAK

May mga magulang na walang interes sa ginagawa ng kanilang mga anak. Tila ba walang pakialam.

Okay, sabihin na nating abala tayo ngunit importante pa ring maging interesado tayo sa pinagkakaabalahan o ginagawa ng ating mga anak.

Mas magiging ma­saya rin sila kung napapansin at nararamdaman nilang interesado ka sa kung ano man ang kanilang ginagawa. Higit sa lahat, magiging daan din ito upang pag-ibayuhin pa nila ang kanilang ginagawa.

Kung minsan, pina­ngungunahan natin ang ating mga anak. Lagi nating sinasabing mas higit nating nalalaman ang kung ano mang makabubuti sa kanila. Gayunpaman, pag-isipan din natin ang lahat. Kumbaga, balansehin din natin ang mga bagay-bagay. Baka kasi imbes na makatulong at makabuti sa ating mga anak ang ginagawa natin, ikasama pa nila.

Hayaan din natin silang pumili ng landas na nais nilang tahakin. At kung madapa man sila, bigyan natin sila ng pagkakataong tumayo at bumangon. Tandaan na sa bawat pagkakadapa, tumitibay ang bawat tao. Nagiging matapang. (photos mula sa yourteenmag.com)

Comments are closed.