UNTI-UNTI nang nagbabalik-operasyon ang mga negosyo sa bansa, senyales na nag-uumpisa na ring bumalik sa dating sigla ang ating ekonomiya ngayong naibaba na sa General Community Qurantine (GCQ) ang Metro Manila at karamihan pang lugar.
Ayon sa Bloomberg, sa mga bansa sa Southeast Asia, ang Philippine Peso ang nanguna sa pagtaas ng value laban sa US Dollars, base sa talaan ngayong patapos na ang kalahati ng taong 2020. Sa kabila ng dalawang buwang lockdown at umiiral pa ring quarantine, lumalaban ang Filipinas at siguradong aangat muli.
Kaya naman ang tanong ngayon, paano tayo makatutulong na mapagtuloy-tuloy ang pagbabalik ng ekonomiya na ito at hindi mag-iwan ng pangmatagalang kasiraan na dulot ng epidemya ng COVID-19?
Una sa lahat, bigyang prayoridad ang kaligtasan at kalusugan- ito na ang pinakamalaking aral na natutunan natin nitong nakaraang mga buwan. Hindi dapat inilalagay sa alanganin ang kalusugan at kaligtasan natin at ng ating mga pamilya. Mainam na sumunod sa mga napatunayan nang mga paraan na nakakababa ng tsansa na mahawaan ng virus, kabilang na rito ang pagsusuot ng mask at physical distancing. Para sa mga business at kompanya, siguraduhin na suportado ang mga empleyado sa mga aksiyon na ito. Ang Work From Home na set-up ay maaaring isulong sa mga may kakayahan. Siguraduhin na makakapasok at makakauwi ang mga empleyado nang ligtas, sa pamamgitan ng libreng shuttle service.
Ngayong panahon na rin ito ng COVID-19 napatunayan kung gaano kahalaga ang pagpapatibay ng public health system kung saan lahat, lalo na ang mga hirap sa buhay, ay may maaasahan sakaling tamaan ng sakit. Sa kabila ng mga pagpuna na natanggap ng Department of Health (DOH) sa mga naunang aksiyon nito, hindi maipagkakailang tuloy-tuloy ngayon ang mga pagsisikap ng sektor para mapalakas ang public health system sa bansa. Ang mga local government unit ay may kanya-kanya ring mga hakbang para sa kanilang mga nasasakupan. Maging ang pribadong sektor ay nakiisa rin para magbigay tulong at serbisyong medikal. Ngayon isaalang-alang natin ang mga estratehiyang nakatulong, kabilang na ang maagap na pagpaplano at epektibong implementasyon ng mga ito, at masinsinang pakikipag-ugnayan ng mga institusyon sa gobyerno sa pribadong sektor.
Kailangan ding pakatutukan ang suportang ibinibigay sa mga manggagawa. Milyon-milyon ang naapektuhan dahil sa pandemya at kailangan nila ng tulong upang makabangon muli. Ang mga OFW na nagsisiuwian dahil sa apektadong mga industriya, at maging ang mga nagbalik-probinsya dahil sa nawalang trabaho sa Metro Manila ay dapat siguraduhin na may pagkukunan ng ikabubuhay. Bigyan sila ng kaalaman kung paanong sa mismong bayan nila ay magkaroon ng mga paraan na pagkakakitaan.
Sa muling pagbukas ng ekonomiya, kailangan ng mga lokal na negosyo na muling kumita para magpasuweldo sa mga empleyado at magtuloy-tuloy ang operasyon. Kaya naman ang pinakamabisang gawin para suportahan sila, ugaliing bumili ng mga produkto na gawang lokal. Maraming mga ibinebenta ang ating mga lokal na kompanya na mga produkto na halos katulad ng quality o ‘di kaya’y higit pa kumpara sa imported goods.
Tulungan natin silang makabangon muli at unahing tangkilikin ang mga produktong gawa sa sariling bansa. Malaki ang maitutulong ng gobyerno sa pagsulong nito kung bibigyan ang mga negosyo ng mas maraming pagkakataon at mga plataporma para isulong ang lokal na kalakalan.
Buong mundo ang apektado ng pandemya ng COVID-19 pero nasa atin kung paano tayo lalaban at magsisimulang muli. Malaking impact ang mga solusyon na isasakatuparan ng gobyerno, mula sa national hanggang lokal na lebel. Umaasa tayong para sa kapakanan ng bansa at bawat mamamayang Filipino ang bawat isa sa recovery programs na ito.
Sabayan pa ito ng pakikipagtulungan sa mga industriya at sektor na handang umalalay, at pagbibigay kaalaman at empowerment sa mga mamamayan na sabik na ring makabangon-siguradong tuloy-tuloy na ang pagratsada ng isang ekonomiyang mas matatag dahil sinubok ng pandemya.
Comments are closed.