SUPORTAHAN DAPAT ANG PROVINCIAL BUS BAN

Magkape Muna Tayo Ulit

NAGSIMULA na ang matagumpay na clearing operation sa mga lungsod  sa Metro Manila. Ang maganda rito ay buong suporta ang lahat ng mga mayor ng National Capital Region (NCR). Inayudahan pa ito ng mga mayor ng Metro Manila bagama’t nagbigay ng taning ang DILG na 60 na araw upang maisagawa ito. Walang pride. Walang ego. Marahil ay alam nila na napapanahon na ang magkaroon ng sistema at kaayusan na napabayaan at inabuso ng mga dating namuno sa kani-kanilang lungsod. Resulta dati? Anarkiya!

Kaya naman nagkakaisa ang DILG, MMDA, Metro Manila mayors at PNP upang ayusin ang lumalalang trapik dulot ng walang kaayusan sa ating lansa­ngan. Marami na ang sumubok subalit hindi nagtagumpay dahil walang pagkakaisa.

Ngayon naman ay ipatutupad na rin ang planong provincial bus ban sa EDSA. Matagal nang panukala ito. Ilang administrasyon na ang dumaan. Lahat din ay hindi nagtagumpay. Hindi kasi nagkakaisa ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno kung papaano ipatutupad ito.

Malinaw ang dahilan kung bakit kailangang ipagbawal na ang mga provincial bus sa EDSA. Nakadaragdag sila sa pagsisikip ng daloy ng trapiko. Dagdag pa rito  ay ang mga bus terminal nila, na napakaliit, ay nasa EDSA. Kaya naman ang mga pasahero na nagbababa at nagsasakay ay nakahambalang sa EDSA na nagpapasikip ng trapiko. Pati ang pagmaniobra  ng mga bus ay nakaaantala sa daloy ng trapiko.

Ilang beses na nahinto ang nasabing plano dahil marami ang bumabatikos dito. Ang dami nilang dahilan subalit wala naman silang solusyon. Kaya naman simula sa ika-7 ng Agosto, alas-kuwatro ng madaling araw, ay uumpisahan na ang dry run ng programang provincial bus ban. Walang huhulihin. Pagsasabihan lamang sila.

Ang mga provincial bus ay may paghihintuan upang magbaba at magsakay ng mga pasahero na nagmumula sa mga lalawigan sa Timog, Hilaga at Silangan. Walang Kanluran dahil lugar ng karagatan ng Manila Bay na ito.

Para sa Timog, may nakaantabay na mala­king terminal ng bus sa Sta. Rosa, Laguna at may isa pang ginagawa sa may Bicutan, Pa­rañaque. Sa Hilaga naman ay may nag-aabang na malaking terminal sa may lungsod ng Valenzuela. At sa Silangan naman ay ang ginawa ng Megawide na Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) na nasa bandang coastal area sa Cavite.

Kumpleto na ang mga provincial bus terminals. Doon na lang hihinto ang mga bus na nag-o-operate panglalawigan at hindi kaila­ngang makipagsabayan sa iba pang sasak­yan sa Metro Manila. Su­balit may bukas na oras ang mga provincial bus upang bumaybay sa EDSA. Ito ay mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.

Ang maganda rito  ay nagpahayag din ng suporta ang karamihan sa mga provincial bus operator sa nasabing plano. Ito ang sinabi ni MMDA General Ma­nager Jojo Garcia mula sa kanilang pagpupulong sa mga provincial bus operator na kasama ang mga opisyal ng LTFRB.

Paliwanag pa ni Garcia, na ang nasabing ‘window hours’ kung saan ang mga provincial bus na maaaring bumaybay sa EDSA mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw ay maaari lamang magbaba sa Araneta Bus Terminal sa may Cubao at hindi sa kani-kanilang terminal ng bus sa EDSA. Kaya naman antabayanan natin kung ano ang magiging resulta nito.

Comments are closed.