ITINAKDA ng pamahalaan ang Setyembre bilang “Buwan ng Turismo” sa buong Pilipinas.
Ang World Tourism Day naman ay ipinagdiriwang tuwing ika-27 ng buwan ng Setyembre kada taon.
Pagbibigay-halaga ito sa mga naggagandahang lugar sa ating bansa, natural o man-made man na atraksyon sa mga turista.
Totoong sagana tayo sa mga atraksyong pangturista.
Hindi rin maitatatwa na ang turismo ay napakahalaga sa ating ekonomiya.
Maliban sa salaping ipinapasok ng mga turista sa bansa, nagbibigay din ito ng hanapbuhay sa mga lokal na mamamayan sa industriyang serbisyo.
Bunga ng kahalagahan ng turismo sa ekonomiya ng mga bansa, ang mga pamahalaan ng bansa ay gumagastos ng malalaking halaga sa advertisement upang itaguyod ang kanilang nasyon para dayuhin ng mga turista.
Siyempre, isinasaalang-alang naman ng mga turista ang mga magagandang atraksiyon.
Mahalaga rin ang seguridad ng bansa mula sa mga krimen at mga masasamang elemento gaya ng mga scam, kung ang bansa ay mura ang mga bilihin, at iba pa.
Tinitingnan din nila kung malinis ang lugar at madaling paglakbayan, gayundin ang mga komento, reviews o karanasan ng mga dumayong turista sa ating bansa.
Bilang suporta naman sa labor at tourism sectors sa buong bansa, inilunsad ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Department of Tourism (DOT) ang nationwide “Trabaho, Turismo, Asenso!” Philippine Tourism Job Fair.”
Tinatayang 9,000 applicants ang lumahok sa simultaneous job fairs.
Nasa 8,376 ang ikinonsidera bilang ‘near-hires’ sa events.
Karamihan daw sa mga aplikante o nasa 7,752 ay nagtungo sa Pasay leg ng nationwide job fairs habang ang iba ay mula sa job fairs sa Cebu (182) at Davao (442).
Ayon sa labor department, ang ‘near hires’ ay ang mga aplikante na kailangan pang magsumite ng mga karagdagang requirements o sumalang sa isa pang interview at kumuha ng pagsusulit o exam bago opisyal na makukuha ang trabaho.
Ang 407 namang aplikante ay na-‘hire on the spot’ sa job fairs na ginanap mula Setyembre 22-24,2022.
Sa bilang na iyon, 530 ang ini-refer sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sumabak sa skills training.
Sang-ayon sa datos, nasa 8,310 vacancies mula sa 157 employers sa tourism industry ang binuksan para sa mga nasabing job fair.
Para naman mahimok ang mga turista na dumayo sa Makati, inilunsad ng pamahalang lokal ang kauna-unahan nitong “MakaTurismo” website sa Museo ng Makati sa Brgy. Poblacion.
Itinuturing ng LGU ang MakaTurismo website bilang isang critical tool upang mapalakas pa nila ang turismo at mahikayat ang mga turista na dumayo sa kanilang lugar.
Kabilang sa mga atraksiyon sa Makati ay ang Cu-Unjieng at Tolentino Heritage Houses na itinayo noon pang American Period; ang mga antigong simbahan na Sts. Peter and Paul Church at Nuestra Señora de Gracia Church; at ang Museo ng Makati, na dating Old Presidencia o town hall ng Makati mula 1918 hanggang 1961.
Hindi maitatanggi na ang turismo ay nagbibigay ng mas malaking kita sa kaban ng gobyerno.
Sa kabilang banda, kailangan nga lang ng malaking pondo upang maisaayos ang ating mga tourist spot.
Bukod sa seguridad o peace and order, sapat na imprastraktura ang kailangan tulad ng maaayos o magagandang kalsada, matinong serbisyo ng hotel, telecommunication, mabilis na internet, sapat na suplay ng kuryente, at iba pa.
At mahalagang pagtuunan din ng pansin ng pamahalaan ang lahat ng mga pasyalan at tourist spot upang ang mga ito ay lalong maibenta sa internasyonal na ugnayan sa turismo.