BAGO pa man pumasok ang pandemyang COVID-19 sa ating buhay, likas na sa mga Pilipino ang pagtulong sa kapwa kaya hindi kataka-takang hanggang ngayon, gaano man ka-moderno ang panahon, nananatili ang Bayanihan sa kultura ng bansa.
Nang mangyari ang pandemyang COVID-19, naging matinding hamon ito sa healthcare system ng bansa. Dito nakita ang napakaraming lugar na nangangailangan ng suportang medikal.
Batid ang katotohanang talagang mahihirapan ang mga miyembro ng ating healthcare system, lalo na yaong mga nasa mga malalayong barangay at nasa mga coastal na komunidad, dali-dali namang naglunsad ang mga miyembro ng pribadong sektor ng iba’t ibang mga programa na naglalayong suportahan at hatiran ng tulong ang nasabing mga lugar.
Isa na rito ang Metro Pacific Investments Foundation Inc. (MPIF), ang sangay ng Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) na nangangasiwa sa mga inisyatiba nitong tumulong sa komunidad. Kamakailan ay dinala nito sa Siargao ang programa ng kompanya na tinawag na Health It Up! (HIU), isang programang pinagtutulungan ng MPIF at Makati Medical Center Foundation (MMCF). Sa ilalim ng nasabing programa, nagsagawa ng medical mission ang MPIF sa loob ng dalawang araw para sa mga residente ng siyam na coastal na munisipalidad ng Siargao.
Sa tulong ng mga kinatawan ng MMCF, inalam at tinugunan ng mga ito ang mga isyung pangkalusugan ng mga residente. Ang delegasyon ng MMCF ay binubuo ng 40 na mga doktor, nars, at mga medical practitioner na may sapat na kakayahang makapaghatid ng maayos na kalidad ng serbisyong pangkalusugan at medikal. Ilan sa mga maaaring ipagawa ay ang mga operasyon, pagsusuri sa mata, pagsusuri ng ngipin, pagtingin sa mga kabataan, konsultasyon para sa kababaihan, at iba pang mga serbisyo para sa higit 2,100 na Siarganon mula sa mga munisipalidad ng General Luna, Del Carmen, Burgos, Dapa, San Benito, Pilar, San Isidro, Socorro, and Santa Monica.
Napakalaking tulong ng inisyatibang ito ng MPIF dahil sa halip na bumiyahe at gumastos ang mga residente papunta sa mga ospital upang sumailalim sa pagsusuri, ang mga doktor na ang mismong pumunta upang maghatid ng serbisyong medikal para sa mga ito. Sa ganitong mga programa nakikita ang magandang epekto ng pagtutulungan sa pagitan ng pampubliko at pribadong sektor. Bukod sa pagtutulungan ng MPIF at MMCF, katulong din nila ang lokal na pamahalaan ng Siargao at ang Armed Forces of the Philippines.
Bukod sa paghahatid ng serbisyong medikal sa tulong ng MMCF, nagpamahagi rin ng Well-on-the-Go bag ang MPIF bilang regalong pangkalusugan at pangkagalingan sa iba’t ibang munisipalidad. Ang nasabing regalo ay naglalaman ng tablet, Smart Pocket Wi-Fi, power station, charger ng solar panel, oximeter, BP monitor, at digital na thermometer. Sa pamamagitan ng mga nabanggit, mas mapapaigting ang koneksyon para sa telehealth, access sa healthcare, at maging ang kahandaan para sa sakuna at mga kalamidad. Bukod pa rito, namigay din ang MPIF ng mga portable na water filter upang masigurong malinis ang tubig na iinumin ng mga residente sa lugar.
Nagpahatid din ng karagdagang tulong ang mga kompanyang kabilang sa Tulong Kapatid gaya ng PLDT-Smart Foundation at Maynilad sa pamagitan ng pamamahagi ng Hospital-in-a-Bike para sa mga munisipalidad. Ang nasabing bike ay mayroong bag na naglalaman ng mga medical supply at mga kagamitan gaya ng nasal tracheostomy tube, gamit pang-opera, portable na oxygen tank, at kagamitang pang-komunikasyon.
Ang nasabing inisyatiba ay bahagi ng malawakang programa ng MVP Group na Tuloy Pa Rin Ang Pasko na pinangangasiwaan ng Tulong Kapatid Foundation. Ito na ang ikalawang taon na isinagawa ng grupo ang programa bilang pagsasabuhay ng tunay na diwa ng Pasko. Nawa’y marami pang miyembro ng pribadong sektor ang maglunsad ng mga inisyatibang naglalayong suportahan ang mga komunidad sa bansa na nangangailangan ng suporta.