SUPPLY NG BIGAS SAPAT SA MGA LUGAR NA HAHAGUPITIN NI ‘FALCON’

BIGAS

TINIYAK ng National Food Authority (NFA) na may sapat na supply ng bigas sa mga lugar na tatamaan ng bagyong Falcon.

Sinabi ni NFA Administrator Judy Carol Dansal na maaga niyang inatasan ang regional offices ng ahensiya na siguruhing may stock ng bigas para makaalalay sa isasagawang rice distribution at relief operations sa Regions 1, 2, 3, Cordillera at National Capital Region na nakararanas ng malalakas na pag-ulan.

Inaasahang tatahakin pa ng bagyo ang hilagang Luzon, kabilang ang Batanes at Cagayan Valley provinces.

Ayon kay Dansal, mayroon na ngayong 10 milyong sako ng bigas sa NFA warehouse sa buong bansa na anumang oras ay maaaring makuhanan ng bigas ng local government units (LGUs) o institusyon na mangangailangan.

Sa pinakahuling ulat ng PAGASA ay napanatili ni ‘Falcon’ ang lakas nito habang kumikilos pa-hilaga, hilagang kanluran.

Taglay ng bagyo ang lakas ng hangin na umaabot sa 65 kilometers/hour malapit sa gitna at pagbugso ng hangin na aabot sa 80 kilo­meters/hour.  BENEDICT ABAYGAR, JR.

Comments are closed.