TULOY-TULOY sa pagbaba ang suplay ng highland vegetables na nagmumula sa Benguet at Mountain Province dahil sa epekto ng tagtuyot o El Niño phenomenon.
Ayon kay Agot Balanoy, tagapagsalita ng Liga ng mga Magsasaka sa La Trinidad Vegetables Trading Post, apektado ang suplay ng iba’t ibang gulay dahil sa kakulangan ng tubig.
Aniya, may mga magsasaka na nag-aaway dahil sa kakulangan ng suplay ng tubig para sa kanilang mga pananim.
Sinabi pa niya na may mga bahagi ang Benguet at Mountain Province na iisa lang ang pinagkukunan ng tubig ng mga mag-sasaka kaya hindi maiwasan na sila’y mag-unahan sa pagkuha ng tubig.
Nangangamba si Balanoy na lalong bababa ang suplay ng highland vegetables sa mga susunod na linggo dahil inaasahang mas titindi ang epekto ng tagtuyot.
Gayunman, sinabi niya na normal pa naman ang presyo ng mga highland vegetable dahil bumaba ang demand sa mga ito.
Kabilang ang Benguet at Mountain Province sa mga pangunahing supplier ng highland vegetables sa bansa. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.