SUPPLY NG KARNE NG BAKA AT KALABAW, KULANG PA RIN

BAKA AT KALABAW

CAGAYAN VALLEY— INAMIN ng pinuno ng mga magkakarne sa pribadong pamilihan sa Cauayan City na may kakulangan sa tustos ng karne ng kalabaw at baka rito maging sa ibang bayan at probinsya sa Region 2.

Ayon kay Boyet Taguiam, pinuno ng meat section, inihayag niya na dahil sa kawalan ng supply ng kalabaw at baka sa Cauayan City ay bumibili sila sa ibang bayan tulad ng Jones, San Agustin at Tumauini.

Dahil dito, posibleng tumaas ang presyo ng karne ng kalabaw at baka sa lungsod.

Wala raw naman problema sa karne ng baboy dahil sapat ang supply nito hanggang sa pagsapit ng Pasko at walang pagtaas sa presyo.

Hanggang sa ngayon ay matumal ang bentahan ng karne kumpara noong nakaraang taon.

Samantala, dagsa pa rin at marami ang supply ng gulay at prutas sa Nueva Vizcaya Agriculturist Terminal o NVAT sa Bambang,  Nueva Vizcaya na pangunahing producer sa tambak ng Cagayan o Region 2.

Wala namang gaanong pagtaas sa gulay maliban sa mga panghalo o pansahog para sa mga panghanda sa Noche Buena.  REY VELASCO