SUPPLY NG SIBUYAS SAPAT HANGGANG Q1 2025

GOOD news ang kumpirmasyon ng Department of Agriculture na mayroong sapat na supply ng sibuyas.

Sa kanilang huling imbentaryo, maaaring makapagtustos ang pamahalaan ng sibuyas sa merkado ng hanggang Pebrero 2025 o sa unang quarter ng susunod na taon.

Ito ang dahilan kaya ikinokonsidera ng DA na palawigin pa ang umiiral na import ban sa sibuyas.

Sinabi ni DA Spokesperson at Assistant Secretary Arnel De Mesa, mahigit 162,000 metrikong tonelada ang nakaimbak na sibuyas sa cold storage facilities.

Ang nasabing dami ng supply ay kayang tumagal ng walong buwan o 276 araw.

Pinag-aaralan na rin ni Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel Jr. kung dapat mag-angkat ng sibuyas o hindi muna upang pigilan ang pagbagsak ng presyo nito.

Gayunman, magkakaroon ng konsultasyo sa lahat ng stakeholders bago magdesisyon ang pamahalaan sa pag-aangkat.

Kaya hindi dapat mangamba ang consumer na kakapusin ang sibuyas lalo na sa Disyembre na tumataas ang bilang ng handaan at selebrasyon.

Ibig sabihin din, maaaring makontrol laban sa pagtaas ang presyo ng sibuyas dahil alam ng publiko na sapat ang supply.