NANAWAGAN sa pamahalaan ang Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) na limitahan ang supply ng tubig sa commercial establishments at mga eksklusibong subdibisyon, gayundin sa golf courses, swimming pools, at water fountains na hindi naman importante.
Ayon kay Leody de Guzman, chairman ng BMP, dapat gawing prayoridad ang mga residenteng gumagamit ng tubig para sa pang-araw-araw nilang pangangailangan.
“Dapat magkaroon ng limited na volume ng tubig na dinadala doon, na tama lamang sa basic needs nila… Kuwentahin lang kung ano lang ‘yung sufficient na tubig na kailangan nila,” aniya.
Napag-alaman na hindi pa rin sapat ang mga pag-ulan sa Metro Manila para punan ang bumababang lebel ng tubig sa Angat Dam, na dahilan ng limitadong alokasyon sa mga water concessionaire.
Kahapon ng hapon ay pumalo na sa 158.92 meters ang water level sa Angat Dam.
Sinabi ng National Water Resources Board na sa weekend ay posibleng bumagsak ito sa pinakamaba-bang lebel, na huling naitala noong 2010 sa lebel na 157 meters.
Ipinauubaya naman ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa mga lokal na pa-mahalaan ang pagpapatupad sa naturang panukala.
Kung pagsasamahin, mahigit 30 porsiyento ang sineserbisyuhang commercial establishments ng Manila Water at Maynilad.
Comments are closed.