BAGAMA’T tiniyak sa publiko na may sapat na supply ng tubig na maaaring magtagal hanggang sa pagsisimula ng tag-ulan sa Hunyo o Hulyo, muling pinaalalahanan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang publiko, partikular ang mga naninirahan sa Metro Manila, na maging wais sa paggamit ng tubig at suportahan ang pagsisikap ng pamahalaan na masiguro ang sapat na supply ng tubig, lalo na sa harap ng pagtama ng El Niño.
Ayon sa PAGASA, ang kaganapan ay nagresulta sa pag- upgrade ng ENSO Alert System sa El Niño Advisory. Babala ng mga climate scientist, ngayong taon ang maaaring pinakamainit na taon dahil ang El Niño ay pinatindi ng man-made global warming.
Bagama’y may sapat na supply ng tubig para sa mga consumer nito, nanawagan si MWSS Administrator Reynaldo V. Velasco sa bawat isa na magtipid sa tubig at tumulong para maiwasan ang water shortage dahil ang El Niño ay may iba’t ibang epekto tulad ng pagkakaantala ng pagsisimula ng tag-ulan.
“Since we primarily source our water from Angat-Ipo-La Mesa water system, we have to do our share to help lessen the effect of El Niño not only on our need for water in our households and industries but also on agriculture,” wika ni Velasco.
“As a rule, discharge for potable water supply becomes the priority during drought events, reducing water releases for agricultural irrigation and power generation.”
Ang tubig mula sa Angat ay dumadaan sa Ipo Dam kung saan inilalabas ito sa La Mesa Dam.
Ayon sa PAGASA, ang La Mesa Dam ay may 47-cubic-meter-per-second (cms) allocation ng tubig mula sa Angat Dam, mas mataas sa 44 cms na karaniwang inilalaan ng gobyerno para sa La Mesa Dam tuwing tag-init.
Ang water level sa La Mesa ay naitala sa below normal level, dahilan para ipanawagan ang pagtitipid sa tubig upang mapanatili ang water reserve availability. Hanggang noong Marso 5, 2019, ang reservoir water level ng dam ay nasa 69.47 meters, mababa sa normal high water level nito na 80. 15 meters.
Ang pagsisimula ng tag-init at ang lumalaking pangangailangn mula sa lumolobong populasyon ang nakapag-ambag sa pagbaba ng lebel ng tubig. Gayunman ay hindi umano ito nangangahulugan na magkakaroon ng water shortage sa Metro Manila at sa mga kalapit na lalawigan, maliban na lamang kung hindi magtitipid sa tubig hanggang sa pagsisimula ng tag-ulan. JONATHAN L. MAYUGA
Comments are closed.