BAGAMA’T hindi pa lubos na nasosolusyunan ang krisis sa supply ng tubig sa ilang bahagi ng Metro Manila, nakikitaan naman ng bahagyang pagbuti ang sitwasyon ilang araw matapos humingi ng paumanhin at pang-unawa ang Manila Water sa pamamagitan ng presidente nitong si Ferdinand dela Cruz sa pagdinig na ginawa sa House of Representatives noong nakaraang linggo.
Ang ilan sa mga condominium sa lugar ng Mandaluyong na nawalan ng tubig ay kasalukuyan nang may tubig. Hindi man nor-mal ang lakas ng daloy nito, ang mahalaga ay unti-unti nang dumarami ang mga residenteng nagkakaroon ng supply ng tubig. Na-wa’y magtuloy-tuloy ang pagbabalik sa normal ng supply ng tubig sa mga lugar na sakop ng Manila Water.
Sa kabila ng pagbuti ng sitwasyon ay hindi pa rin lubos na napapawi ang pangamba ng mga residente sa lugar ukol sa posi-bilidad na pagkaulit ng pagkawala ng supply ng tubig. Ayon sa abiso sa mga condominium na apektado ay hinihikayat pa rin nila ang mga residente na mag-ipon pa rin ng tubig sakaling maulit ang kawalan ng supply ng tubig sa gusali. Sa Facebook naman ay nakakakita at nakababasa pa rin ako ng mga post ng mga netizen ukol sa kawalan ng tubig. Hindi naman natin masisisi ang mga residente na hanggang sa ngayon ay apektado pa rin ng krisis ng Manila Water.
Bunsod ng krisis na kinakaharap ng Manila Water ay ilang mga panukalang solusyon ang nagsulputan at nakakuha ng atensiyon ng publiko. Nagbunga rin ito ng iba pang kontrobersiya gaya kung paano sinasabing artipisyal o sinasadya raw ang nangyayaring kakulangan sa supply ng tubig upang maipakita raw at maipadama sa mga tao ang pangangailangan ng karagdagang supply ng tubig sa anyo ng Kaliwa Dam na sinasabing popondohan ng bansang China. Isa raw itong palabas upang maitulak ang proyektong ito.
Ang Kaliwa Dam ay isang proyektong matagal nang itinutulak ngunit naaantala dahil sa matinding oposisyon mula sa mga resi-dente sa lugar, partikular na ang mga katutubo na naninirahan doon. Sa isang pagdinig sa Senado na pinangunahan ni Senadora Grace Poe, ipinahayag ng mga katutubo sa pamamagitan ni Father Pete Montellano, paring nakatira sa lugar kasama ng mga katutu-bo, ang kanilang pagtutol sa pagtatayo ng Kaliwa Dam.
Sa ilalim ng Republic Act of 8371 o ang Indigenous People’s Act of 1997, nasasaad ang karapatan ng mga katutubo na manatili sa lugar na kanilang kinagisnan. Kinikilala ng batas ng Filipinas ang pagpepreserba ng kultura ng mga katutubong grupo sa ating bansa. Bukod dito, ilang isyu rin ng mga komunidad sa lugar ang tungkol sa posibleng pagbaha sa kalapit na mga barangay, gaya ng General Nakar sa Quezon at sa Tanay sa probinsiya ng Rizal, kapag itinayo ang dam. Pinangangambahan din na maaapektuhan ang mga hayop sa loob ng Kaliwa watershed reserve.
Isa pang solusyong napag-uusapan ay ang proyekto na sinasabing popondohan daw ng isang kompanya mula sa Japan, ang Global Utility Development Corporation o GUDC. Ang kanilang planong itayo ay isang low head dam na tatawaging Kaliwa Inter-take Weir Project. Ang sinasabing low head dam ay may lalim lamang na 7ft, ‘di hamak na mas mababa kaysa sa proyektong popondohan ng China. Binigyang-diin ni Toshizaku Nomura, ang Chief Executive ng GUDC, na kaya nilang tugunan ang kapa-sidad ng MWSS. Mayroon din silang pangmatagalang plano para sa mga komunidad na maaapektuhan ng nasabing proyekto. Sa madaling salita, hindi lamang sila ang makikinabang sa proyekto kundi higit pang makikinabang ang mga Filipino, lokal na pamaha-laan, at ang mga komunidad sa lugar.
Nawa’y magkaroon na ng agarang solusyon ang krisis na kinakaharap ng ating mga kapwa Filipino. Na-pakahirap mabuhay ng walang sapat na tubig. Patuloy na lumalaki ang ating populasyon at gumaganda rin ang takbo ng ekonomiya kaya paniguradong patuloy rin ang paglaki ng demand sa tubig. Dapat masiguro na matutugunan ito. Dapat masiguro na mayroong sapat na supply ng tubig ang Filipinas, hindi lamang ang Kamaynilaan.
Comments are closed.