PINALAGAN ng isang commuter group ang hirit na ‘surge fee’ sa pasahe sa jeepney tuwing rush hour.
Sa panayam sa Unang Balita, sinabi ni United Filipino Consumers and Commuters (UFCC) founder Rodolfo Javellana Jr. na hindi lamang ang jeepney drivers ang apektado ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo kundi maging ang commuters.
“Magkakaroon tayo ng malaking problema sa bahagi ng mga commuters kung pahihintulutan po ito,” ani Javellana.
“Sapagkat alam naman po natin na matindi ang pinagdaanang hirap ng ating mga kababayan, hindi lang po ng mga tsuper kundi sa pangkalahatan na publiko natin ay hirap na po sa kanilang kabuhayan lalo nang sunod-sunod ‘yung pagsirit nitong presyo ng petrolyo,” dagdag pa niya.
Noong Lunes ay sinabi ng transport group Pasang Masda na hihiling sila ng P1 dagdag-singil sa pasahe tuwing rush hour matapos ang panibagong oil price hike na ipinatupad nitong Martes.
Bukod kasi sa mataas na presyo ng langis, hindi pa rin umano makapaningil ang ibang mga tsuper dahil sa panibagong fare matrix ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan hindi sila maaaring magdagdag ng singil sa pasahe hanggang wala pang panibagong taripa.
Sa pahayag ng mga tsuper, nahihirapan silang makabawi sa kanilang kita dahil nakakain ang kanilang oras tuwing alas-7 ng umaga hanggang alas-8 ng umaga at alas-5 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi.
Sa halip na magpatupad ng pansamantalang solusyon, nanawagan si Javellana sa pamahalaan na bumuo ng pangmatagalang hakbang na tutugon sa taas-presyo sa produktong petrolyo.
Iminungkahi niya ang pag-aalis sa excise tax at sa expanded value added tax sa langis para mapababa ang presyo nito.
Pinarerepaso rin niya sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang Oil Deregulation Law nang sa gayon ay mawalan na ng full control ang malalaking kompanya sa presyo ng langis.