ANG bagong surge ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa ngayong Marso ay lampas na sa naitalang ‘peak’ ng mga kaso noong Hulyo at Agosto 2020.
Ito ang kinumpirma ni Department of Health (DOH) Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman sa isang pulong balitaan.
Ayon kay De Guzman, hanggang ngayon ay mabilis pa rin ang pagtaas ng mga kaso at ang peak aniya na naobserbahan sa bansa noong nakaraang linggo, ay lampas na sa peak na naitala noong Agosto 2020.
Aniya pa, karamihan sa mga bagong kaso ng sakit ay mula sa Metro Manila at Calabarzon area.
Sinabi rin ni De Guzman na ang Metro Manila ay nasa “high risk” classification na ngayon dahil sa bilis ng pagdami ng mga kaso ng sakit doon at laki ng populasyong apektado ng COVID-19.
Tumaas ang mga kaso sa rehiyon ng 137% mula Marso 7 hanggang Marso 20 lamang, kumpara sa mga naitala mula Pebrero 21 hanggang Marso 6.
Nabatid na kabilang sa mga itinuturing na critical risk areas sa Metro Manila ay ang Marikina, Mandaluyong, Caloocan, San Juan, Pasig, Muntinlupa, Pateros, Quezon City, at Parañaque, habang ang iba pang lungsod ay itinuturing namang high risk.
Samantala, sinabi pa ng DOH na ang Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Western Visayas, at Caraga ay nasa “moderate risk” naman sa COVID-19. Ana Rosario Hernandez
Comments are closed.