Surge ng COVID-19 sa NCR Plus areas, ramdam pa rin ng PGH

HANGGANG ngayon ay ramdam pa rin ng Philippine General Hospital (PGH) ang ‘surge’ ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) kahit pa malapit nang magtapos bukas, Abril 11, ang ikalawang linggo ng pag-iral ng enhanced community quarantine (ECQ) sa NCR Plus areas o Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna.

Ayon kay Dr. Jonas del Rosario, tagapagsalita ng PGH, na siyang pinakamalaking COVID-19 referral center ng bansa, hanggang sa ngayon ay puno pa rin ang kanilang intensive care unit (ICU) at ang kanilang COVID-19 beds ay nasa 90% capacity pa rin.

“Nadadama pa rin namin ‘yung surge kung tawagin, puno pa rin po ang aming ICU at marami po kaming mga pasyenteng severe, ang iba po critical naghihintay po ng kama, yung iba po nasa emergency room,” ani del Rosario, sa panayam sa TeleRadyo.

Sinabi rin ni Del Rosario na dahil puno na ang kanilang ICU ay hindi na nila kaya pang tumanggap ng mga severely ill patients o mga pasyenteng malala na ang sakit kaya’t kinakailangan na nilang i-refer ang mga ito sa ibang pagamutan.

“Ngayon po ang aming occupancy nasa 90 percent, 230 out of the 250 beds that we have,” aniya pa.
Sakali naman aniyang magdagdag sila ng mga bed sa ICU setting, magiging problema pa rin nila ang limitadong manpower nila, dahil ang ICU-level care aniya ay nangangailangan ng mga espesyalistang doktor at mga nurse.

Sa ngayon aniya ay may dalawa nang non-COVID wards ang kanilang isinara at hindi na muna sila tatanggap ng mga non-COVID patients maliban na lamang kung ang kaso ng mga ito ay itinuturing na life at limb threatening emergency at mga imminent deliveries.

Umapela rin siya sa iba pang mga pagamutan na mag-admit ng mga non-COVID patients upang mapalawak at makapagpokus sila sa kanilang COVID operations.

Hinikayat din naman ni del Rosario ang publiko na patuloy na gamitin ang kanilang hotline number na 155-200 para sa COVID-19 at iba pang concerns bago sumugod sa kanilang emergency room. Ana Rosario Hernandez

One thought on “Surge ng COVID-19 sa NCR Plus areas, ramdam pa rin ng PGH”

Comments are closed.