NAGBABALA si National Task Force o NTF Against COVID-19 medical adviser Dr. Ted Herbosa sa posibleng surge sa kaso ng COVID-19 sa susunod na dalawang buwan.
Ito aniya ay dahil sa malalaking kaganapan tulad ng halalan, Ramadan at Mahal na Araw.
Paliwanag pa niya na sa kabila ng pagbaba ng COVID-19 cases ay hindi imposible ang muling pagsirit ng kaso nito.
Umaasa naman si Herbosa na hindi na bumalik ang mataas na bilang ng COVID-19 cases dahil sa high vaccination rate ng Metro Manila maliban na lamang sa ilang lugar na nananatiling mababa ang inoculation coverage.
Samantala, wala pang nakabinbing order na COVID-19 vaccines mula sa mga vaccine manufacturer ang Pilipinas.
Ito ang inihayag ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire kasunod ng panawagan ng mga senador na ipatigil pansamantala ang pagbili ng bakuna dahil sa oversupply.
Paliwanag ni Vergeire, kasalukuyan pa rin kasing pinag-aaralan ng pamahalaan ang imbentaryo ng bakuna para alamin ang pangangailangan nito.
Kailangan din muna aniyang rebyuhin ang supply at demand ng mga bakuna.
Nabatid na nakatakdang ma-expire sa susunod na tatlong buwan ang nasa 27 milyong doses ng COVID-19 vaccine sa bansa sakaling hindi pa ito magamit.
May mga bakunang darating sa bansa sa susunod na linggo na donasyon ng ibang bansa at hindi binili ng pamahalaan.