SURIING MABUTI ANG PAGBABALIK NG MGA JEEPNEY

Magkape Muna Tayo Ulit

NAG-ANUNSIYO ang Palasyo na ang mga tradisyonal na pampublikong sasakyan na jeepney ay malapit nang lumayag sa ating mga lansangan. Ito ay bunsod ng pagpapaluwag na ng regulasyon upang makabiyahe na ang mga pampublikong transportasyon sa ating bansa. Ito rin ay kaugnay ng paglipat ng estado ng Metro Manila at iba pang mga pa­ngunahing lungsod sa a­ting bansa mula sa ECQ (enhanced community quarantine) patungo sa GCQ (general community quarantine).

Para sa akin, magkahalong maganda at masamang balita ito. Maganda, dahil ito ay patunay na unti-unti na tayong bumabalik sa estadong ‘normal’ o ‘new normal’. Pa­ngalawa, magkakaroon na muli ng maayos at mas kombinyenteng alternatibo ang mga kababayan natin na walang sariling sasakyan sa pamamagitan ng pagbabalik sa pagsakay sa jeepney. Pangatlo ay magkakaroon muli ng hanapbuhay ang ating mga tsuper ng jeepney at kanilang mga operator matapos mawalan ng kita ang mga ito noong panahon ng ECQ.

Sa kabilang dako naman, may kaunting pangamba ako sa pagbabalik ng mga jeepney sa lansangan. Una, ang disenyo ng nasabing mga sasakyan ay walang proteksiyon laban sa COVID-19. Mahirap maipatupad ang social distancing sa loob ng jeepney. Bukod sa magkakadikit, iisang pasukan at labasan ang mga pasahero sa likod. Dagdag pa rito ay kawawa ang mga pasahero na nasa likuran ng drayber dahil sila ang nag-aabot ng bayad ng mga pasahero na nasa dulo ng sasakyan. Mapipilitan na maglalapit ang mga isa’t isa sa ganitong estilo.

Pangalawa, mas malaki ang tsansa na ang mga drayber ng jeepney ay mahawaan ng COVID-19. Bakit? Dahil wala silang proteksiyon sa loob ng sasakyan. Paano mo babalutan ng plastik sa paligid ng drayber kapag kumukuha siya ng bayad sa pasahero? Ito ay maliban lamang kapag may kasama siyang kundoktor na katabi niya sa harapan na tatanggap ng bayad pasahe. Pero maski gumawa ng mga paraan para magkaroon ng social distancing sa loob ng jeepney, med­yo mapanganib pa rin. Kulob kasi sa loob  nito lalo na kapag maipit ang jeepney sa trapik.

Pangatlo, kung babawasan ang bilang ng mga pasahero ng mga jeepney upang tumupad lamang sa social distancing, sa palagay ba nila ay kikita sila nang sapat sa magdamag na biyahe? Tandaan, nga­yon pa lang na wala pang mga pampublikong sasakyan ay nararamdaman na natin ang sikip ng trapik sa mga lansa­ngan. Makakailang ikot kaya sa biyahe ang mga jeepney na halos kalahati lamang ang maaari nilang maisakay? Mababawi ba nila ang gastos nila sa krudo, pagod at maintenance ng kanilang mga jeepney?

Ang mahirap lang ay hanggang wala pa tayong matatawag na epektibo at mabisang pamamaraan na pampublikong transportasyon tulad ng mas maraming light rails at subways na mayroon sa mas progresibong mga bansa, mapipilitan pa rin tayong gumamit ng mga tradisyonal na pampublikong transportasyon tulad ng bus, jeepney at tricycle.

Mabuti na lang at mas hihigpitan ng DOTr ang mga polisiya sa jeepney na nais na bumalik pasada. Ayon kasi sa DOTr, dadaan ang mga unit ng jeepney na nais lumayag muli sa masu­sing eksaminasyon sa ilalim ng LTO kung papasa ito bilang ‘roadworthy’. Sa madaling salita, hindi na papayagan ang mga luma at bulok na na jeepney kung ganoon.

Kaya kapag may nakita pa tayo sa mga susunod na araw na may pumapasada na luma, mausok at kakarag-karag na jeepney, aba’y Sec. Tugade, mukhang hindi ka yata sineser­yoso ng mga bata mo sa LTO at sa LTFRB.

Comments are closed.