MAKARAAN ang mahigit 30 taon, asahan na ang maayos na operasyon at pasilidad sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kasunod ito ng nilagdaang kasunduan para sa rehabilitasyon ng nasabing paliparan sa isang seremonya sa Malacañang na sinaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ang concession agreement ay nilagdaan nina Transportation Secretary Jaime Bautista, Manila International Airport Authority General Manager Eric Ines at San Miguel Corporation President and CEO Ramon Ang na ginanap sa Kalayaan Hall ng Malacanang kahapon ng umaga.
“For today, we are celebrating a different kind of departure honor. Because after more than 30 years, the comprehensive modernization of Manila International Airport in partnership with the private sector finally, is taking off,” ayon kay Pangulong Marcos.
Binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan para sa modernisasyon ng pangunahing gateway ng bansa.
Nasa P170.6 billion ang kabuuang halaga ng proyekto, saklaw ng NAIA-PPP Project ang lahat ng pasilidad ng paliparan tulad ng mga runway, terminal at iba pang pasilidad.
Layon ng proyekto na mapabuti ang pangkalahatang karanasan ng pasahero at kalidad ng serbisyo sa NAIA.
Giit ng Pangulo, mas magiging mabilis ang mga transaksyon at komportable ang magiging byahe ng mga pasahero.
“The postponed improvement of the airport has resulted in delayed and reduced number of flights. so, due to insufficient flights, visitor arrivals have suffered, denying our economy billions in tourism receipts. the truth is, before our guests can swim, shop, sunbathe and surf, they must secure airline seats first,” giit pa ng Pangulo.
Sa sandaling matapos ang NAIA modernization, tiniyak ng DOTr na tataas sa 48 air traffic movements sa peak hourly rate ang runway capacity ng paliparan habang inaasahang tataas ang kapasidad nito para ma-a-accomodate ang nasa 62 milyong pasahero taon-taon.
Inaasahang lilikha rin ang proyekto ng P900 billion na kita para sa national government o humigit-kumulang P36 billion taon-taon.
Sa Setyembre ng taong ito ite-take-over ng NAIA PPP project concessionaire ang operasyon ng paliparan.
Kinumpirma ni Ang na sa susunod na taon ay makikita at mararamdaman na ang malaking pagbabago sa NAIA gaya ng pagkawala ng daga, ispis, at surot na nagpalala sa imahe ng NAIA. EVELYN QUIROZ