SURPRISE DRUG TEST SA MGA PIITAN

INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhus Abalos na magsasagawa siya ng ‘surprise visits’ sa mga bilangguan na kabilang sa kanyang mga prayoridad sa unang 100 araw niya sa puwesto.

Ayon kay Abalos, nais niyang makatiyak na ang lahat ng bilangguan ay hindi napapasok ng mga ilegal na droga.

Sinabi ni Abalos na kabilang sa mga pangunahing layunin ng kanyang pamumuno ay ang mapigilang makapasok ang ilegal na droga sa mga bilangguang pinangangasiwaan ng BJMP, bilang pagpapatuloy na rin ng war on drugs na unang inilunsad ng nakalipas na administrasyong Duterte.

“It is important to ease congestion as much as possible. Napaka-importante rito at napaka-importante sa lahat, sa lahat, walang droga sa kulungan. Nakakulong na (inmates) kung minsan, may droga pa diyan,’’ ani Abalos.

Nagbabala si Abalos na magsasagawa siya ng mga unannounced visits sa ilang cell facilities at ipapasailalim sa drug tests ang mga bilanggo o persons deprived of liberty (PDL) doon, upang makasigurong hindi nakakagamit ang mga ito ng ilegal na droga.

“The war against drugs will be as intensive as before on the basis on my oath as a public official in accordance with the Constitution,’’pagtiyak pa ng DILG chief.

Nabatid na bukod sa jail congestion, isa pa sa problema ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), na attached agency ng DILG, ay ang pagpupuslit ng ilegal na droga sa mga selda.
EVELYN GARCIA