SURPRISE INSPECTION SA BULACAN JAIL

BULACAN- MULING nagsagawa ng surprise inspection si Bulacan Provincial Jail Warden Ret.Col. Mark Rivero kasama ang ilang mamamahayag at jailguards sa loob at labas ng panlalawigang piitan na layong ipakita ang sitwasyon ng inmates.

Ipinakita sa media ang malinis at maayos na kulungan sa probinsiya na COVID free, ayon sa Provincial Public Health at lahat ng inmates ay nakatanggap na ng Booster shot.

Nabatid kay Mayor Steve Temoteo, nasa 189 ang babae at 1,442 ang lalaki na sa kabuuang bilang ay umabot sa 1,631 inmates.

Samantala, tuloy-tuloy pa rin ang hanapbuhay ng multi- talented na inmates mula Lunes hanggang Linggo na gumagawa ng handy craft na pang-export.

Kaugnay nito, mariing pinabulaanan ni Rivero, ang napabalita na isang tulak ng droga ang pinatay sa naturang kulungan.

Aniya, lumaya sa kasong illegal drugs si Jules dela Cruz, 38-anyos subalit, muli siyang naaresto sa nasabi ring kaso sa bayan ng Pulilan.

Kaya nang ipasok sa piitan, muli niyang nakasagutan ang dating kasamang inmate na nauwi sa maiinitang pagtatalo dahilan para suntukin sa dibdib si Dela Cruz nito lamang Hunyo 17 ganap na alas-5 ng hapon.

Base naman sa medico legal, cardiac arrest ang ikinamatay ng biktima habang inihahanda na rin ang kasong homicide laban sa suspek. THONY ARCENAL