SURVIVORS NG COVID-19 TUTULONG PARA MAISALBA ANG IBA PANG PASYENTE

KINUMPIRMA ng Philippine General Hospital (PGH) na nadagdagan pa ang mga COVID-19 survivor na nakikipag-ugnayan sa kanila upang mag-donate ng kanilang dugo para sa mga pasyenteng kasalukuyan pang lumalaban ngayon sa naturang sakit.

Ayon kay PGH Spokesperson Dr. Jonas del Rosario, sa ngayon ay mayroon pang apat na donors na gumaling na sa COVID-19  ang nakapag-donate ng kanilang dugo.

Sinabi ni del Rosario, na ang mga dugo ng naturang COVID-19 survivors ay laan sa dalawang pasyenteng may COVID-19, at isasailalim sa Convalescent Plasma Therapy.

Kinumpirma rin ni del Rosario na mayroon pang tatlong donors na nakaiskedyul na mag-donate ng dugo nitong Lunes.

Mayroon pa aniyang 18 “potential qualified donors” na inaasahang malaki ang maitutulong sa mga biktima ng COVID-19.

Sa kabuuan naman, aabot na sa 65 ang donors na naisailalim nila sa screening at 21 sa mga ito ay nakapasa sa panuntunan ng PGH.

Patuloy pa rin naman aniya ang panawagan ng PGH sa mga taong gumaling mula sa COVID-19 na mag-donate ng kanilang dugo upang talunin ang virus at maipamalas ang bayanihan ng mga Filipino ngayong may krisis-pangkalusugan. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.