HINDI nakalusot ang tangkang pagpuslit ng illegal na droga na tila ginawang sushi dahil nakapalaman doon ng hindi pa mabatid na halaga ng shabu mula sa dalawang suspek matapos mabuking ng mga jail officer sa Caloocan City Jail (CCJ).
Sa tinanggap na report ng District Drug Enforcement Unit of Northern Police District (DDEU-NPD), naganap ang insidente dakong ala-5 ng hapon sa entrance gate ng CCJ na matatagpun sa kanto ng Talimusak at Tanigue St., Kaunlaran Village, Dagat-Dagatan.
Kinilala ni Jail Warden Supt. Neil Subibi ang mga suspek na sina Jefrey Carpio ng 157 Libis Talisay, Caloocan City at Lloyd Jester Padilla ng Constancia St., Tugatog, Malabon City, kapwa nasa hustong gulang.
Sa imbestigasyon, habang namamahala sina JO1 Eugene Caingcoy at JO1 Ramil Bernardo sa gate ng jail facility ay napansin nila na may kakaiba sa kanin na dala ng mga suspek na nagpanggap na mga kamag-anak ng isang person deprived of liberty (PDL).
Nang siyasatin ang kanin ay nadiskubre ng mga jail officer ang dalawang transparent plastic sachets na naglalaman ng hindi pa mabatid na dami at halaga ng shabu at tatlong rolled aluminum foil na nakahalo sa kanin na naging dahilan upang arestuhin ang mga suspek .
Dinala ang mga nakuhang ebidensya sa NPD Crime Laboratory para sa chemical analysis habang isinagawa naman ang koordinasyon sa NPD-DDEU para sa proper disposition at kaukulang pagsasama ng kaso laban sa mga naarestong suspek. VICK TANES