IBA-IBA ang ugali ng bawat empleyado. May ilan na nagkakasundo. May ilan ding hindi. May iba ring kaunting problema lang o hindi pagkakaintindihan, nagkakagalit na at nagbabangayan.
Kunsabagay, hindi nga naman talaga maiiwasan ang problema sa trabaho at mga katrabaho. Gayunpaman, dapat ay matutong makisama ang bawat magkakatrabaho nang maging produktibo at matiwasay ang pananatili sa opisina at pagtapos ng mga nakaatang na gawain.
At para mapanatili ang pagiging produktibo at matiwasay na pagtatrabaho, narito ang ilan sa mga kailangang gawin ng bawat empleyado:
MAGKAROON NG RESPETO SA TRABAHO AT KATRABAHO
Importante ang respeto. Isa ito sa mahirap kunin kaya’t dapat na iniingatan.
Hindi lamang din sa trabaho tayo dapat na magkaroon ng respeto, gayundin sa mga kasamahan natin.
Bawat empleyado nga naman ay nag-aasam na tratuhin ng maayos ng kanilang mga kasamahan. Kaya’t nararapat lang na ibigay natin ang respeto sa ating katrabaho nang ganoon din ang ipakita nila sa atin.
Mas matiwasay at magiging produktibo rin ang bawat empleyado kung may respeto sa isa’t isa, at sa lugar na pinagtatrabahuan.
TIWALA, ISA PA SA NAPAKAHALAGA
Bukod sa pagbibigay ng respeto sa opisina at katrabaho, isa pa sa napakahalaga ay ang tiwala—ang pagtitiwala sa mga kasamahan sa trabaho.
Tunay nga namang hindi madaling magtiwala sa mga katrabaho. Gayunpaman, kailangan natin itong matutunan. Bukod din sa pagbibigay ng tiwala, nararapat ding maipakita natin sa ating mga kasamahan na mapagkakatiwalaan tayo.
Ang pagkakaroon nga naman ng tiwala sa isa’t isa ang isang pundasyon ng maganda at matibay na samahan.
Sa pamamagitan din ng pagkakaroon ng tiwala sa mga katrabaho, nagiging madali ang mga gawain.
MATUTONG TUMANGGAP NG PAGKAKAMALI
May mga empleyadong hindi marunong tumanggap ng pagkakamali. Kung minsan ay nandadamay o ginagamit nila ang ilan huwag lamang silang masisi o huwag lamang masabing sila ang nagkamali.
Sa totoo lang, hindi natin kailangang matakot na magkamali sapagkat lahat naman ay nakagagawa ng ganoong bagay.
Ang importante lang kapag nagkamali tayo ay matuto tayong tanggapin ito. Dapat din ay maging aral sa atin ang pagkakamaling nagawa nang hindi na maulit pa.
HUWAG MATAKOT NA MAKIPAG-USAP SA KATRABAHO
Hindi naman maitatangging maraming problemang kinahaharap ang bawat empleyado sa opisina. May ilan na nakagagawa ng pagkakamali nang hindi nila namamalayan.
Kung may mga katrabaho tayong nakagagawa ng hindi maganda o nagkukulang sa pagtupad sa kanilang responsibilidad sa trabaho, huwag tayong matakot na kausapin sila. Paalalahanan natin sila.
Hindi naman porke’t kinakausap natin sila ay hinahamak natin ang kanilang kakayahan. O pagpaparamdam o pagpapakitang mas magaling tayo sa kanila. Concern lang tayo kaya’t nais natin silang paalalahanan.
Sakali namang may nakagawa ng pagkakamali o may nasabing hindi maganda laban sa atin ang ating katrabaho, huwag din tayong matakot na komprontahin o kausapin ang taong iyon.
Oo, may conflict o kapalit ang ganitong gawi. Ngunit, ito lamang din ang paraan upang maayos ang hindi pagkakaunawaan o pagkakaintindihan.
Maging maayos at malumanay lang din ang gawing pakikipag-usap sa katrabaho nang hindi na madagdagan pa ang problema.
MAGING POSITIBO AT MASAYA SA GINAGAWA
Pagiging masaya at positibo sa ginagawa, isa rin ito sa kailangan nating matutunan nang maging matiwasay at produktibo.
Importanteng masaya at mahal natin ang ating ginagawa nang makayanan natin ang kahit na anong pagsubok na maaaring kaharapin.
At kapag lagi rin tayong positibo, magagawa nating malampasan ang kahit na anong problema—hindi lamang sa trabaho gayundin sa pamilya.
Magkakaiba ang ugali ng bawat empleyado. Pero hindi ibig sabihing magkakaiba ang ugali ng mga ito ay hindi na sila magkakasundo. Dahil may mga paraan upang mapaganda ang samahan ng bawat magkakatrabaho sabihin mang iba-iba ang ugali’t paniniwala nila sa mga bagay-bagay.
Kaya naman, para maging produktibo at matiwasay ang iyong pagtatrabaho, isaalang-alang ang tips na ibinahagi namin sa inyo.
Comments are closed.