SUSPEK NA NANAGA SA MAG-INA NASAKOTE NA

MASBATE- HAWAK na ngayon ng PNP-Police Regional Office 5 ang magsasakang sumaksak at nanaga sa mag- ina sa San Pascual sa lalawigang ito nang mahuli ng mga tauhan ni Bicol PNP chief BGen Jonnel Estomo.

Ayon kay Major Malou Calubaquib, agad na nadakip ng mga ope­ratiba mula San Pascual MPS ang naghurumentadong si Felipe Rosaciña y Cuyos, 58-anyos ng Sitio Cabugao, Brgy. Ki-Romero, San Pascual, Masbate.

Mabilis na rumes­ponde ang mga pulis kasunod ng ulat na kanilang natanggap hinggil sa naganap na pananaga at pananaksak sa ma­g-inang sina Praxedio Rosales y Olinares, 25-anyos at 60-anyos na si Praxedes Rosales y Oli­nares na kapwa nagtamo ng mga grabeng sugat sa ibat ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa Report ng Masbate Police Provincial Office, lumilitaw sa pagsisiyasat na nakaupo sa balkonahe ang mag ina nang biglang sumulpot ang suspek at pinagsasaksak at pinagtataga ang mga biktima.

Mabilis na tumakas ang suspek subalit, nadakip ito sa isinagawang hot pursuit operation ng mga tauhan ni Estomo sa tulong na mga barangay officials sa Sitio Suba, Brgy. Ki-Romero, San Pascual, Masbate.

Ayon kay Calubaquib , aminado naman ang suspek sa kanyang ginawa na ngayon ay nakakulong sa San Pascual MPS detention cell habang inihahanda ang kaukulang kasong kakaharapin nito.

Samantala, kasalu­kuyang na intensive care unit ang lalaking biktima habang ang ina nito ay patuloy na ino-obserbahan pa ang kondisyon. VERLIN RUIZ