CAVITE- PATAY ang isang suspek na kumasa sa mga awtoridad makaraang arestuhin sa bisa ng warrant of arrest sa Bagong Kalsada, Brgy. Zapote 1, Bacoor City nitong Huwebes ng hapon sa lalawigang ito.
Ayon sa ulat ng Bacoor Component City Police Station, kinilala ang suspek na si Andy Sacred y Tolentino, 28-anyos na residente ng Brgy. Talaba 6, Bacoor City, Cavite bandang alas- 12:40 ng hapon.
Nabatid na habang inihahain ng Bacoor Component City Police Station ang warrant of arrest sa suspek kaugnay sa paglabag sa Sec. 5 at 11, Art 2, RA 9165 ng RTC Branch 113, Bacoor City ay sinubukang nitong tumakas kung saan armado pa ng granada na sinabing ihahagis nito kapag inaresto ng mga pulis.
Sinubukan ng mga operatiba na pakalmahin ang suspek subalit tumalon ang suspek sa bintana ng kanyang bahay para makaiwas sa pagkakaaresto.
Nahawakan ng pulis ang suspek pero nanlaban ito at sinubukan pang agawin ang kanyang service firearm kaya’t nagpambuno at nang pumutok ang baril ay tinamaan si Sacred na nagresulta sa kanyang kamatayan.
Samantala, hiniling sa tanggapan ng SOCO na iproseso ang pinangyarihan ng krimen para sa teknikal na aspeto ng imbestigasyon maging ang pagkabigong pagsabog ng granada mula sa suspek. PAULA ANTOLIN