SUSPEK SA BABAENG PINATAY, ISINILID SA ICE BOX NASAKOTE

Arrested Jail

NADAKIP na ang lalaking pumatay sa babaeng pinagkakautangan nito ng P50,000 sa manhunt operation sa bahagi ng EDSA, Pasay City kahapon ng alas-3:30 ng hapon.

Ayon sa Trece Martires Police, sinakal at isinilid ng suspek ang biktima sa isang ice box kung saan binali nito ang mga buto ng babae para magkasya sa nasabing cooler

Matapos ang krimen, tinawagan ng suspek ang kanyang asawa at inamin ang pagpatay.

Kinilala ang suspek na si alyas “Wilson” na kapit-bahay lamang ng biktima.

Sa naunang ulat, naburyo ang suspek sa biktima matapos na sumugod ito sa kanyang bahay upang singilin sa pagkakautang sa halagang P50k.

Dahil wala pang maibayad ang suspek nagdilim diumano ang paningin nito at  hinila ang biktima sa loob ng bahay at sinakal sa pamamagitan ng lubid hanggang mapatay, saka isinilid sa ice box ang katawan ng biktima bago mabilis na tumakas.

Mismong asawa ng suspek ang naging daan upang malaman ang pangyayari matapos na tawagan ito ng asawang suspek upang aminin at ituro ang kinaroroonan ng bangkay ng biktima.

Nahaharap sa kasong murder ang suspek at kasalukuyan ng nasa kustodiya ng pulisya.

SID SAMANIEGO