SUSPEK SA ONLINE JOB SCAM NASAKOTE NG PNP

CAVITE- NASAKOTE ng Philippine National Police (PNP) Anti-Cybercrime Group (ACG) ang suspek na nasa likod ng online job scam sa isinagawang operasyon sa Dasmariñas sa lalawigang ito kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni ACG Cyber Response Unit Chief Col. Jay Guillermo ang suspek na si Roland Araojo, 46-anyos, residente ng Dasmariñas, Cavite.

Base sa reklamo ng biktimang taga-Baguio City, inengganyo siya ng suspek sa pamamagitan ng telegram app na gumawa ng online job kung saan kinakailangang magbayad muna para makumpleto ang pinagagawa kapalit ng komisyon.

Nakuha ng biktima ang kanyang komisyon sa umpisa, pero sa mga sumunod na transaksyon, wala nang nakuha ang biktima sa kabila ng kanyang mga naunang bayad.

Sinabi umano ng scammer na nagkaroon ng “error” sa account ng biktima at kinakailangan ng biktima na magbayad pa ng karagdagang halaga para maresolba ito.

Ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong paglabag sa RA 8484 o Access Devices Regulation Act of 1998 (Credit Card Violation Act) as amended by RA 11449.
EVELYN GARCIA