LAGUNA – NAARESTO ng pinagsanib na kagawad ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Batangas at lungsod ng Baguio ang itinuturo umanong prime suspect sa naganap na pagpatay kay dating Los Baños Municipal Mayor Ceasar Perez nitong Martes ng hapon.
Base sa ulat, kinilala ni PRO4A Calabarzon Regional Director PBGen. Eliseo Cruz ang suspek na si Norvin Tamisin y Lantican, dating Los Baños Municipal Councilor at residente ng Brgy. Anos, Los Baños.
Bukod kay Tamisin, may dalawa pang suspek ang nananatiling pinaghahanap ng pulisya.
Ayon sa talaan, sinasabing napapabilang sa Number 6 Most Wanted Person (Regional Level) ang suspek na si Tamisin.
Bandang ala-5:01 nitong Martes ng hapon nang magkasa ng “Oplan Pagtugis” ang mga operatiba sa bahagi ng Bareng Drive, Bakakeng Sur, Brgy. Bakakeng, Baguio, City.
Bitbit ng pulisya ang Warrant of Arrest na ipinalabas ni Hon. Rene Deveza Natividad, Assisting Judge of RTC Branch 107, Los Baños kaugnay ng kinasasangkutan nitong kasong Murder na walang kaukulang piyansa para sa pansamantala nitong paglaya.
Batay sa report, si Tamisin ang itinuturong primary suspect sa pamamaslang kay Perez noong Disyembre 3 ng nakaraang taon base na rin sa pahayag ng testigo.
Magugunitang, pinagbabaril ang biktima na binawian agad ng buhay ng ilang tama ng bala sa kanyang katawan sa likod ng Los Baños Municipal Hall.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa Batangas CIDG Custodial Cell para sa isasagawang malalimang interogasyon. DICK GARAY