SUSPEK SA RAPE SLAY NG DALAGITA NALAMBAT

CAVITE – NALAMBAT din ng mga operatiba ng pulisya ang construction worker na siyang pangunahing suspek sa panghahalay at pagpatay sa 16-anyos na dalagitang estudyante na natagpuan sa ilalim ng Forever Bridge sa Brgy. Cabuco, Trece Martires City nitong Lunes ng madaling araw.

Sa police report na nakarating kay Col. Christopher F. Olazo, OIC ng Cavite PPO, bandang alas-5:05 ng hapon nitong Miyerkoles nang nasakote ng mga operatiba ng Trece Martires City PNP sa pangunguna ni Lt. Col. Jonathan Asnan, katuwang ang SJDM Police Station sa pamumuno ni Lt. Col. Cresencio Cordero Jr. ang 33-anyos na suspek na si Elden Alegria y Necesito sa kanyang pinagtataguan sa Sitio Aldaba Hills, Brgy. Manuyan, San Jose Del Monte, Bulacan.

Samantala, inaresto rin ang dalawang kumupkop sa suspek na si Elden na sina Joy Necesito y Alegria, 33-anyos at Pepito Baluran, 51-anyos, kapwa nakatira sa nasabing barangay kung saan sila binasahan ng konstitusyunal na karapatan para maintindihan ang kanilang pagkakasala.

Magugunita na inamin ng 46-anyos na live-in partner ni Elden na ang mga narekober na ebidensiya kabilang na ang face towel, slippers, red cap at folding knife na mula sa crime scene ay pag-aari ng suspek.

Kaya kaagad na inatasan ni Acting Regional Director ng PRO Calabarzon BGen Melencio Jose C. Nartatez, ang Cavite PPO sa pamumuno ni Col. Olazo na magsagawa ng malawakang manhunt operations laban sa suspek kung saan ito naaresto sa bahagi ng San Jose Del Monte, Bulacan. MHAR BASCO