SUSPEK SA RAPE-SLAY SA MAG-INA ARESTADO

ARRESTED

LAGUNA – ARESTADO ng San Pedro Laguna at GMA Cavite PNP ang isa sa tatlong itinuturong suspek na responsable sa naganap na insidente ng panggagahasa at pagpatay sa isang mag-ina mahigit dalawang taon na ang nakararaan sa lungsod ng Sta. Rosa.

Ayon sa ulat ni Laguna PNP Provincial Director Sr. Supt. Kirby John Kraft kay PRO4A Calabarzon PNP Director Chief Supt. Edward Carranza, naki­lala ang naaresto na si Bryan Infante Avistado habang ang itinuturong utak sa krimen na asawa ng biktima na si Ricardo “Ri­chard” Sta. Ana ay patuloy pa rin na nakalalaya.

Sa imbestigasyon, sinasabing nagkasa ng manhunt operation ang mga tauhan ni Kraft sa pamumuno si San Pedro Chief of Police PSupt. Giovani Martinez matapos mamataan ng mga ito ang suspek na si Avistado sa lugar.

Kaugnay nito, hindi inaasahang mabilis na makatakas ang suspek patungo sa bahagi ng San Gabriel, GMA, Cavite kasunod ang inilatag na mabilisang operasyon bitbit ang warrant of arrest.

Bandang alas-4:40 kamakalawa ng hapon nang masakote nila Martinez ang suspek sa lugar kasunod ang isinagawang pag-aresto.

Naganap ang panghahalay at brutal na pagpatay ni Avistado at isa pang suspek na kusang loob na sumuko sa awtoridad na si Ramoncito Gallo sa biktimang si Pearl Helene Bon Sta. Ana noong nakaraang ika-2 ng buwan ng Marso 2016 sa loob ng kanilang tirahan sa Blk 12 Lot 14, Atlanta St., Celina Plains 1, Brgy. Labas, lungsod ng Sta. Rosa.

Bukod aniya dito, nagawa pang patayin ng mga ito sa pamamagitan ng pagpalo ng martilyo ang dalawang taong gulang nitong anak na lalaki na si Denzel.

Naging matagumpay ang malalimang imbestigasyon ng pulisya sa nasabing kaso matapos na kusang loob na umamin ang suspek na si Gallo na binayaran ng mister ng biktima ng halagang P60,000 para gawin ang karumal-dumal na krimen sa kanyang mag-ina. DICK GARAY

Comments are closed.