QUEZON-NADAKIP ng Lucena PNP sa pamumuno ni LtCol Ruben Ballera, hepe ng pulisya ang suspek sa pagpatay at panghahalay sa 8-anyos na batang babae matapos ang mahigit dalawang oras na follow up operation ng mga pulis kamakalawa ng hapon.
Matatandaang natagpuan sa isang bakanteng lote sa bahagi ng Barangay Gulang-Gulang, Lungsod ng Lucena ang katawan ng biktima nitong Miyerkules dakong alas- 11 ng umaga na wala ng buhay, hubad at nakatali ang mga kamay at may busal ng tela ng damit ang bibig na kinilalang si Joelina Escamillas na kasalukuyang residente ng Barangay Kalilayan Ibaba, Unisan, Quezon.
Base sa imbestigasyon ng mga pulis, dumayo lamang ang mag- asawang Escamillas sa Lucena City upang mamalimos kasama ang biktima at dalawa pa nitong nakababatang anak.
Halos isang linggo ng natutulog sa bangketa ang pamilya at nitong Martes ng madaling araw habang naglalakad sa lugar ang suspek na nakilalang si Julius Baloaloa Rodas, 19-anyos at residente ng Brgy.4, lungsod ng Lucena ay nakita nito ang biktima at niyaya ni Rodas na sumama sa kanya kapalit ng P100 na ibinigay ng suspek sa biktima.
Dahil sa perang ibinigay, nakumbinsi ni Rodas na maisama ang biktima at dinala nito sa bakanteng lote at dito na isinakatuparan ang pagpatay at panghahalay.
Ayon sa pulisya nasa impluwensya umano ng rugby na sininghot ni Rodas nang isagawa ang karumal dumal na krimen.
Sa ekslusibong panayam ng Pilipino Mirror sa suspek, inamin nito ang ginawa pagpatay sa pamamagitan ng pagsakal sa biktima at panggagahasa na ang ginamit pa niya pantali sa dalawang kamay at pambusal sa bibig ay ang pinunit nitong suot na damit ng bata.
Sa panayam naman kay Lt.Col. Ballera, malaki ang naitulong ng mga CCTV na nakakabit sa mga lugar na dinaanan ng suspek at ng biktima na nagpapatunay sa mga pangyayari.
Napag-alaman din na si Rodas ay may kaso ring pagnanakaw noong ito ay menor de edad pa at kasama ng grupo ng kabataan na sumisinghot ng rugby na pakalat kalat sa gitna ng lungsod na ilang beses na rin nakulong sa RAC na pinamahalaan ng Lucena City DSWD.
Nasa kustodiya ng Lucena PNP ang suspek at inihahanda na ang mga kasong isasampa rito na kakaharapin sa hukuman. BONG RIVERA