SUSPEK SA VICE MAYORAL CANDIDATE SLAY SUMUKO

CAVITE – NAGMISTULANG basang sisiw na sumuko sa awtoridad ang itinuturing na pangunahing suspek sa pagpatay sa vice mayoral candidate kahapon madaling araw sa General Trias City.

Base sa impormasyong nakalap ni Corporal Jhocel Dayumat ng General Trias City Police Office, nakatanggap ng tawag si Rep. Luis “Jon Jon” Ferrer IV ng General Trias City mula sa kamag-anak ng suspek na si Robert Amoranto na susuko ito sa pulisya para harapin ang kasong pagpatay kay dating Magarondon Vice Mayor Nolito “Vice Pogi” Magallanes noong Martes ng gabi.

Isinuko ang suspek kay Colonel Arnold Abad, acting Provincial Police Director bago itinurn-over kay Lt. Colonel Norman Rañon ng General Trias City Police Office, kahapon ng umaga sa Brgy. Bagumbayan.

Ayon kay Staff Sgt. Jane Drio ng Cavite Provincial Public Information Office, tumangging humarap at magbigay ng panayam sa mga media ang suspek sa hindi nabatid na dahilan.

Magugunita na si Magallanes ay pinagbabaril hanggang sa mapatay ni Amoranto, malapit sa kanyang bahay sa Lavanya Subdivision sa Brgy. Bacao 2, General Trias City noong Martes ng gabi matapos ang kanilang mainitang pagtatalo sa parking lot kung saan nakaparada ang sasakyan ng biktima sa basketball court.

Kasalukuyang nasa police detention facility sa General Trias City ang suspek na si Amoranto habang inihahanda na ang kaukulang ebidensiya sa pagsasampa ng kasong murder sa Provincial Prosecutors Office. MHAR BASCO