Nagpasalamat si Atty. Monalisa Dimalanta sa suporta ng business groups sa kabila ng pagpataw sa kanya ng anim na buwang suspension bilang chairman at CEO ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Sa pagharap ni Dimalanta sa Pandesal Forum sa Kamuning Bakery Cafe sa Quezon City, sinabi ng moderator nito na si Wilson Lee Flores na kabilang sa maimpluwensiyang business groups na nagpahayag ng malakas na suporta kay Dimalanta ay ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), Philippine Exporters Confederation (PEC), Employers Confederation of the Philippines (ECOP), Management Association of the Philippines (MAP) at Makati Business Club (MBC).
“Wala pa akong kopya ng complaint,” ani Dimalanta bagama’t sinunod niya ang desisyon ng Ombudsman na nagpataw sa kanya ng anim na buwang suspension.
Sa order ng Ombudsman na may petsang August 27 ngunit inilabas noong September 5, sinuspinde nito si Atty. Dimalanta dahil sa reklamo na inihain ng National Association of Electricity Consumers for Reforms, Inc. (Nasecore).
Sinabi ng Nasecore na nabigo ang ERC na mag-“recalculate” sa rate ng Meralco (Manila Electric Co.) “that protects the interest of the public and runs counter to the objective of the ERC’s Performance Based Regulation.”
“The order does contain some allegations of the complaint, without providing, however, any statement as to the evidence submitted by complainant that became the basis for the issuance of the preventive suspension order,” ayon sa naunang pahayag ni Atty. Dimalanta.
Isiniwalat ni Dimalanta na sa ilalim ng kanyang pamumuno sa ERC ay pinaiiral ang pagiging collegial body at anumang hakbang ay masusing tinatalakay at ang mayorya ang laging nasusunod.
Kung kaya nagtaka si Dimalanta kung bakit siya lang ang sinuspinde ng Ombudsman samantalang hindi naman siya ang solong nagdedesisyon.
Umaasa si Dimalanta na ma-lift o mabawi ang suspension order ng Ombudsman at makabalik siya sa paglilingkod sa interes ng mga konsyumer ng koryente.
JUNEX DORONIO